BBM SINUPALPAL SA PAGKAPIT SA P20 BIGAS

SINUPALPAL ng kababaihang magsasaka si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa bago nitong pangako na kayang makamit at mapanatili ng kanyang administrasyon ang P20 kada kilo ng bigas.

Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan, wala itong ipinagkaiba sa pangako ni Marcos noong 2022 presidential election na makakabili ang lahat ng P20 bigas kapag siya ay nanalo subalit hindi ito nangyari sa unang dalawang taon nito at nang ipatupad ay limitado lamang ang makabibili.

Binigyang-diin nito na malabong mangyari ang pangako ni Marcos hangga’t nasa ilalim ng liberalisasyon ang sektor ng agrikultura at hindi amyendahan ang Republic Act (RA) 11203  o Rice Liberalization Law.

“Sa ilalim ng RA 11203 o Rice Liberalization Law ipinaubaya sa mga pribadong trader at importer ang pamimili at pagbebenta ng palay habang nilimitahan ang mandato ng NFA sa buffer stocking. Kaya hindi papayag ang mga negosyanteng ito na hindi sila kikita o na maliit ang kikitain nila,” paliwanag ni Estavillo.

Unang ipinatupad ang nasabing batas noong 2019 at mula aniya noon ay nalugmok na sa kahirapan ang mga magsasaka na binarat ang ani dahil hinayaan ang malalaking rice importers na mag-angkat hanggang gusto nila.

Inalis din ng nasabing batas ang kapangyarihan ng NFA o National Food Authority na bumili ng palay at bigas kaya nawala ang NFA rice sa mga palengke. Noong wala pa ang nasabing batas ay nabibili lamang ang bigas ng P27 kada kilo kaya nakontrol o namanipula ng rice traders ang presyo at supply ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

“Hindi nito nasasagot ang mga pundamental na problema ng mga magsasaka na kawalan ng lupa, kakulangan ng signipikanteng suporta sa produksyon tulad ng mga farm inputs at post-harvest facilities, kakulangan sa irigasyon at support price sa pamimili ng palay,” dagdag pa ni Estavillo.

(BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment