OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
PINATUNAYAN ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na handa niyang tuparin ang mga ipinangako niya noong panahon ng kampanya at hindi pang-slogan lamang ang mga iyon.
At isa nga sa mga ipinangako niya ay lulutasin niya ang suliranin sa kakapusan ng pagkain sa hapag-kainan ng karamihan ng mga pamilyang Pilipino.
Kaya naman isa sa naisip niyang paraan ay dapat paglaanan ng sapat na suporta at pansin ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura.
Alam niya kasi na sa napakatagal na panahon ay napabayaan ito ng mga nakaraang administrasyon na nagresulta naman sa pagbagsak ng ating mga naaaning mga pananim lalo’t higit ang palay at iba pang pangunahing farm products.
Bukod pa rito ang kawalan ng suporta sa ating mga mangingisda na isa ring dahilan sa kakapusan ng suplay ng ating mga pagkaing-dagat na nagreresulta rin sa mataas na presyo ng mga ito.
Kaya naman bilang panimulang hakbang ng kanyang pamumuno ay ipinasya niya na gampanan ang tungkulin bilang kalihim mismo ng Kagawaran ng Agrikultura.
Ginawa niya ito upang siguraduhin na matutugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng pagkain sa bansa.
Batid niya kasi na nakaamba ang food crisis dahil sa mga nangyayari sa labas ng bansa na pinalala ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“As to agriculture, I think the problem is severe enough that I decided to take on the portfolio of Secretary of Agriculture, at least for now, and at least until we can re-organize the (department), ” paliwanag niya.
Sinabi pa niya na dahil sa mga nangyayari ay naapektuhan ang food supply gayundin ang iba pang pangangailangan pang-agrikultura tulad ng fertilizers, animal feeds at iba pa.
Sa kanyang pag-upo bilang top man sa DA, ipinakita rin niya na desidido siya at handa niyang harapin ang hamon ng patuloy na kahirapan at kagutuman sa bansa.
Dahil sa ginawa niyang ito, ipinakita rin ni BBM na bilang lider ay siya mismo ang hahanap ng mga solusyon sa mga suliraning hinaharap ng bansa.
Maliwanag din na pagpapakita ito ng pruweba na isa siyang maaasahang lider at hindi isang puppet o tau-tauhan lamang na maaaring paikutin at impluwensyahan ng mga taong nasa paligid niya.
Pinagdiinan din ni BBM na kailangan na mapag-aralang mabuti ang mga plano at hakbang upang maayos na matugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng bansa pagdating sa mga panahon ng kagipitan.
“I have asked the DTI, NEDA, and, of course, the DOF and DBM. I have asked them all to start to make forecasts, economic forecasts on what we would have to face for the rest of this year so that we can prepare,” sabi niya.
Nais ni BBM na bukod sa pagbibigay prayoridad sa agrikultura, bubuhusan din niya ng suporta ang mga sektor na kaakibat nito.
Katulad halimbawa ng transportasyon at pagpapagawa ng mas maayos na mga warehouse at cold storage facilities at maging ng farm-to-market roads at karagdagang trading centers at palengke.
Sa ganitong paraan ay mas matutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka at mangingisda na maibenta nang mas maayos at nasa tamang halaga ang kanilang mga produkto.
“We are going back to basics and we will rebuild the value-chain of agriculture. And that is why I think it’s important that the President take that portfolio,” pagbibigay diin ni BBM.
Dahil sa determinasyon ni BBM na lutasin ang kagutuman na isa sa pangunahing suliranin sa bansa ay masasabi natin na hindi nagkamali ang mahigit 31 milyong Pinoy na ihalal siya bilang pangulo at ipagkatiwala ang pamumuno ng bansa sa susunod na anim na taon.
150
