HINILING ni Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na ilantad sa publiko ang bentahan ng sapi ng Shell Philippines sa Malampaya Gas project na nabili ng isang kompanyang pag-aari ni Dennis Uy.Kilalang negosyante si Uy na taga-Mindanao at supporter ni Pangulong Duterte nitong nakaraang halalan at nagmamay-ari rin ng DITO Telecommunity na may partner sa China.
“Dapat maging transparent ang Department of Energy (DOE) sa pagsusuri sa bentahan ng interes ng Shell Philippines Exploration BV (SPEX) sa Malampaya gas field project sa Malampaya Energy XP Pte. Ltd., isang kumpanya na nasa ilalim ng Udenna Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy,” ayon kay Gatchalian.
Kamakailan, sinabi ni DOE Secretary Alfonso Cusi na kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang nasabing transaksyon na isinagawa noong Mayo at wala pang pinal na desisyon ang gobyerno dito.
Ani Cusi, kailangan pa munang magsumite ng mga dokumento ang nasabing kompanya bago desisyunan ng DOE kung aaprubahan ang bentahan.
“Hindi ito ordinaryong asset ng gobyerno. Ano ang mga pamantayan sa pagsusuri sa bentahang ito? Kailangang maging malinaw ang lahat sa publiko,” ayon sa Senate Energy Committee Chairperson.
Noon lamang Abril 15, pinagpaliwanag ni Gatchalian ang DOE matapos nitong aprubahan ang pagbenta ng 45 porsyentong interest ng Chevron sa Malampaya project sa UC Malampaya Philippines na subdiary rin ng Udenna Corporation.
Paliwanag ni Gatchalian, kailangang pahalagahan ang pagbebenta ng interes ng Shell sa Malampaya hindi lang dahil sa hinahawakan nitong 45 porsyentong share ngunit dahil sa papel na ginagampanan nito bilang operator ng Malampaya.
“Ang Malampaya gas project ay nagsusuplay sa isa sa bawat limang tahanan sa Luzon. Importante na tuloy-tuloy ang pagsusuplay ng gas at para masiguro ito, kailangan na may sapat na kakayahan ang papalit na operator na mangangasiwa sa pagpapatakbo ng Malampaya at pagsu-suplay ng kuryente sa ating mga
tahanan,” pagdidiin ni Gatchalian.
Samantala, sa joint operating agreement na nilagdaan noon ng mga miyembro ng consortium na nagpapatakbo sa Malampaya na binubuo ng Shell, Chevron at PNOC, mayroong probisyon na nag-aatas ng kaukulang permiso mula sa gobyerno bago maisapinal ang anomang paglilipat o pagbebenta ng shares. (ESTONG REYES)
157
