KINUWESTYON ni Senador Imee Marcos ang magkaibang pahayag at direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay sa pagdinig ng Senado sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng senadora na sa kabila ng pahayag ng Pangulo na hindi niya pagbabawalan ang mga opisyal ng pamahalaan na dumalo sa ikalawang pagdinig ng Senado, lumutang ang tila salungat na posisyon ng Malacañang.
Ito ay nang magpadala ng liham si Bersamin sa Senado na malinaw na nakasaad na hindi makakadalo ang mga opisyal ng ehekutibo sa pagdinig dahil sa kanilang executive privilege.
Tanong ng senadora kung sino ang dapat sundin dahil hindi tugma ang sinasabi ni Bersamin at ni Pangulong Marcos.
Iginiit ng mambabatas na hindi dapat magkaroon ng kalituhan sa pamahalaan pagdating sa usapin ng transparency at accountability.
Hindi anya maaaring may kanya-kanyang desisyon ang mga opisyal ng Malakanyang kasabay ng tanong pa kung para saan pa ang salita ng pangulo kung hindi naman pala nila susundin.
(DANG SAMSON-GARCIA)
