‘BIG FISH’ DAPAT MANAGOT SA GHOST FLOOD PROJECT — LCSP

Atty Ariel Inton-6

NANAWAGAN ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na panagutin ang “malalaking isda” sa pulitika at gobyerno kaugnay ng kontrobersyal na ghost flood project upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, hangga’t walang napaparusahan na kongresista, senador at opisyal ng gobyerno, paulit-ulit na mauulit ang kilos-protesta at rally gaya ng naganap noong Setyembre 21, 2025 sa Luneta at EDSA Shrine.

“Nagsagawa ng kilos-protesta ang mamamayan upang ipahayag ang kanilang disgusto laban sa maanomalyang flood control project,” giit ni Inton sa Quezon City Journalist Forum nitong Setyembre 23.

Kasabay nito, inanunsyo ng grupo na magsasampa sila ng civil cases laban sa mga kontraktor, mambabatas, opisyal ng DPWH at iba pang sangkot na public officials. Dagdag ni Inton, kung ginawa lang ng mga ito ang kanilang tungkulin, hindi sana naperwisyo ang motorista at mamamayan sa malawakang pagbaha.

Posibleng magsilbing complainants ang mga residente ng Quezon City at iba pang lungsod sa Metro Manila na matagal nang pinahihirapan ng pagbaha.

(PAOLO SANTOS)

51

Related posts

Leave a Comment