NASAMSAM ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril mula sa isang hinihinalang bigtime gunrunner sa entrapment buy-bust operation sa Pasay City.
Sa kanyang report kina Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Vicente Danao Jr., kinilala ni NPD director, P/Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ang suspek na si John Christian Bautista, 33, ng Brgy. Bucandala IV, Imus, Cavite.
Ayon sa ulat, ang suspek ay sangkot sa gunrunning activities sa Metro Manila, Region 4A at kalapit na mga probinsya sa nakaraang halos tatlong taon at ginagamit ang social media account sa kanyang transaksyon.
Ayon kay P/BGen. Hidalgo, nakatanggap ng tip ang DSOU mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang chat group sa Facebook tungkol sa patuloy na transaksyon ng bentahan ng baril sa mga miyembro nito na sinasabing mahilig sa baril.
Matapos ang halos isang buwang monitoring, isang operatiba ng DSOU ang naka-penetrate sa social media chat group at nagpanggap bilang buyer.
Pagkaraan ay agad ikinasa ng mga tauhan ng DSOU, sa pangunguna nina P/Lt. Col. Jay Dimaandal at P/Maj. Amor Cerillo, ang entrapment buy-bust operation dakong alas-11:00 ng umaga sa Macapagal Avenue, Pasay City.
Makaraang bentahan ang poseur buyer ng anim na pirasong iba’t ibang uri ng baril na P230,000 ang halaga, ay inaresto ng mga awtoridad ang nasabing suspek.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakontak ng mga operatiba ang misis ni Bautista na nagtapat na marami pang itinatagong baril ang kanyang mister sa kanilang bahay at handa niyang isuko ang mga ito sa mga awtoridad.
Agad pinuntahan ni Col. Dimaandal at ng kanyang mga tauhan ang bahay ng suspek sa Imus, Cavite makaraan ang proper coordination sa Imus Police at barangay officials, at nasamsam ang matataas na kalibre ng baril, kahon-kahong mga bala, vintage firearms at iba pang military equipment na tinatayang nasa P3 milyon ang halaga. (FRANCIS SORIANO)
172
