NELSON S. BADILLA
WALANG lohika, o wala sa hulog, kung mag-isip ang mga kongresistang nagsusulong ng pagbabago sa isang probisyon ng Kontitusyong 1987.
Ito ang kasalukuyang akusasyong natikman ng pangkat ni Speaker Lord Allan Jay Velasco hinggil sa pag-arangkada nito sa pagbabago ng Konstitusyon o Charter change (Cha-Cha), galing naman kay Atty. Jose Sonny Matula, tserman ng NAGKAISA Labor Coalition, alyansa ng mahigit 40 pederasyon at unyon ng mga manggagawang Pilipino mula sa maraming panig ng bansa.
Kamakailan, binatikos ni Senador Panfilo Lacson si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. dahil ‘mali’ ang interpretasyon nito sa resolusyon ng senador tungkol sa Cha-Cha na ipinasa pa niya noong Enero 2018.
Binira ni Lacson si Garbin dahil walang sinabing magkahiwalay na tatalakayin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pag-amiyenda sa Saligang Batas kundi dadaan sa regular na proseso.
“Under Senate Resolution 580, which I filed in 2018, proposed changes are to undergo the regular lawmaking process. This means proposed amendments to the Charter are to be tackled at the committee level first, then approved in the plenary, before both Houses convene into a constituent assembly. Nowhere in the resolution does it say na committee pa lang, Con-Ass na,” paliwanag ng senador.
Nitong Enero 14, nagsimula nang kumilos ang pinamumunuan ni Garbin na committee on constitutional amendments.
Bago magsimula ang hakbang ng nasabing komite, inamin ni Garbin na mismong si Speaker Velasco ang nagbigay ng “green light” sa kanya na ilarga ang Cha-Cha upang pabilisin umano ang pagsulong at pag-angat ng bagsak na ekonomiya ng bansa na resulta ng napakahabang lockdown ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Luzon, partikular na sa malalaking rehiyon.
Mahigit 75 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa ay galing sa Luzon.
Ang GDP ay sukatan ng kalagayan ng ekonomiya ng isang bansa sa loob ng isang panahon (taon at kwarter).
Iwinasiwas ni Garbin ang pagbabago sa probisyon ng Konstitusyon na nagtatakda ng 40 porsiyentong limitasyon sa pag-aari ng mga dayuhang kapitalista sa lupa at negosyo sa Pilipinas.
Naniniwala ang pangkat ni Velasco na kung walang limitasyon sa pag-aari ng banyagang negosyante sa lupa at negosyo ay gaganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Nang ianunsiyo ni Garbin ang Cha-Cha, kagyat itong binatikos ni Senador Franklin Drilon dahil “pagsasayang lang” umano ito ng panahon.
Ani Drilon, hindi dapat Cha-Cha ang remedyuhan kundi ibang batas na sagka sa pagsulong ng ekonomiya.
Ayon naman kay Matula, naniniwala ang NAGKAISA na hindi lohikal na solusyon ang Cha-Cha sa palpak na aksyon ng pamahalaan sa ekonomiya, manggagawa at maliliiit na negosyante.
“The Nagkaisa Labor Coalition finds no logic nor urgency in the recent proposition to amend the fundamental law to entice foreign direct investment (FDI) via relaxation of land ownership. Other countries like China, Vietnam and Singapore are able to capture the bulk of FDI in Asia in the past decades without giving ownership of land to foreign investors,” paliwanag ni Matula na pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW) na kasapi ng NAGKAISA.
Ayon pa sa beteranong lider-manggagawa: “The major factors that have kept investors at bay are not the limitations to ownership of land and shares in corporation, but the prohibitive cost of doing business, red tape, corruption, lack of infrastructure and the high cost of electricity”.
Idagdag pa rito ang walang tigil na extrajudicial killings (EJKs) at napakasahol na pangwawalanghiya sa mga unyon at karapatang-pantao ng mga manggagawa, patuloy ni Matula.
