BIGYAN NG LINAW, HINDI PANIBAGONG PARATANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANG mga taong pumupuna ba sa gobyerno ang tunay na may kasalanan o sila lamang ang nagiging mukha ng mas malalim na isyu?

Muling umigting ang tanong na ito sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects. Marami ang nababahala sa kabagalan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pag-usad ng kaso. Sa ilang buwang lumipas, wala pa ring malinaw na mapapanagot. Dapat na kumilos nang mas mabilis ang komisyon, sapagkat napapagod na ang taumbayan sa puro pangakong aksyon.

Makatarungan namang bigyan ng pagkakataon ang mga nasasangkot na magpaliwanag at linisin ang kanilang pangalan. Tulad ng ginawa ng abogado ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, si Atty. Ruy Rondain, na humarap sa media upang sagutin ang mga alegasyon. Mula sa isyu ng korupsyon hanggang sa mga pag-aari ni Co, gaya ng tatlong helicopter, isa-isang nilinaw ng abogado ang mga punto.

Ayon kay Rondain, matagal nang pag-aari ng Misibis Aviation ang mga naturang aircraft. Ang kumpanya ay naitatag noong 2004, o 15 taon bago pa naging kongresista si Co. “How can properties acquired before being a congressman be illegal?” tanong pa niya.

Idinagdag ni Rondain na wala pang pormal na kasong naisampa laban sa kanyang kliyente, kaya’t hindi umano sila maaaring sumagot sa mga alegasyon na pawang mga pahayag lamang “under oath.” Nilinaw rin niyang ang ginawang press conference ay hindi pag-iwas, kundi para maitama ang mga maling impormasyon. “The narrative has been so twisted because of misinformation…

The people have been misled,” ani pa niya.

Tungkol naman sa SALN, sinabi ng abogado na ang Ombudsman ang tagapangalaga ng lahat ng SALN mula pa noong panahon ni dating Pangulong Arroyo.

Sa kabila nito, nananatiling mainit sa publiko ang usapin. Naiintindihan ito, sapagkat sa haba ng imbestigasyon ay wala pa ring malinaw na resulta. Kaya’t nararapat lamang na ang hustisya ay ibatay sa katotohanan, hindi sa haka-haka o ingay ng social media. Hangga’t walang konkretong aksyon at malinaw na kasagutan mula sa mga may pananagutan, mananatiling bukas ang tanong: sino nga ba ang tunay na may kasalanan?

89

Related posts

Leave a Comment