BIKER NABUNDOL NG MOTOR, NAGULUNGAN PA NG BUS

CAVITE – Patay ang isang 52-anyos na biker nang banggain ng isang motorcycle rider at nagulungan pa ng isang bus sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito.

Isinugod sa Pagamutan Bayan ng Carmona si Rodolfo Olivar ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Habang ang motorcycle rider na si Eugenio de Jesus na nakabangga sa biktima, ay nilalapatan ng lunas makaraang mabalian ng buto sa kamay.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng isang Volvo City Bus na may plakang CAH 4033, na minamaneho ni Jolie Acutim.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Arnold Malazarte ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-8:30 noong Biyernes ng gabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive, sakop ng Brgy. Mabuhay ng naturang bayan, patungo sa direksiyon ng General Mariano Alvarez (GMA) kung saan minamaneho ni De Jesus ang kanyang motorsiklong Sky MC nang mabangga nito si Olivar na noon ay nagbibisekleta.

Dahil sa pangyayari, kapwa tumilapon ng ilang metro sina Olivar at De Jesus.

Ngunit minalas namang nagulungan ng paparating na Volvo bus na minamaneho ni Acutim, si Olivar. (SIGFRED ADSUARA)

312

Related posts

Leave a Comment