PINALAGAN ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa pagka-alkalde sa Maynila ang bilyones na inutang ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Atty. Alex Lopez, sa buong kasaysayan, ngayon lang nagkautang ang siyudad ng Maynila ng bilyong piso para sa maling prayoridad at mga sablay na programa ni Manila Mayor Isko Moreno.
Sagot din ito ni Lopez sa banat ni Vice Mayor Honey Lacuna na walang basehan at katotohanan ang ibinulgar ng una na nagkaroon ng utang na P25 bilyon ang City of Manila para sa pagpapatayo ng mga imprastraktura sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Lacuna, umabot lang ng P15 bilyon ang inutang nila sa banking institution para matugunan ang mga programang ipinangako sa mga batang Manilenyo.
Ngunit nanindigan si Lopez na “sablay” ang press release ng City of Manila noong October, 2019.
Itinuturing ni Lopez na malaking ‘katangahan’ ang hakbang ni Mayor Isko na umutang ng bilyong halaga para lamang sa rehabilitasyon ng Manila Zoo, pagpapatayo ng Tondominium sa Binondo at paggiba ng tatlong eskwelahan sa panahon ng pandemya sa COVID-19.
Tinawag ni Atty. Lopez na “unprecedented debt” ang hakbang dahil ngayon lang aniya sa panahon ni Moreno nagkautang ng ganito kalaking halaga sa kasaysayan ng Maynila.
Kinumpara rin ng tumatakbong alkalde na magkaiba ang panuntunan sa Davao City na kailangan pang dumaan sa public hearing bago makautang ang liderato ni Mayor Sara Duterte samantalang sa Maynila hindi man lang sila dumaan sa butas ng karayom.
Dagdag pa niya, may mga proyekto si Mayor Isko na hindi napapanahon kabilang na rito ang pag-remodel sa tatlong eskwelahan na hindi “condemned” subalit kinailangan umutang sa halip na pagtuunan ng pansin ang lumalalang sitwasyon ng COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
212 