BILYONG PONDO SA FLOOD CONTROL PROJECTS BUBUSISIIN

(DANG SAMSON-GARCIA)

PAGPAPALIWANAGIN ni Senador Panfilo Lacson ang mga ahensya ng gobyerno na tumanggap ng bilyung-bilyong pisong pondo para sa flood control projects ngayong 2025 at sa mga nakalipas na taon.

Sinabi ni Lacson na sa pagtalakay sa pambansang budget para sa susunod na taon ay kanyang bubusisiin ang naging paggugol sa mga proyektong ito sa gitna na rin ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa.

Kabilang sa sisilipin ng senador ang P1.9 bilyon na ibinigay na pondo sa isang maliit na barangay sa Oriental Mindoro na bahagi ng P10 bilyon sa isang maliit na bayan sa naturang lalawigan na kabilang din sa naapektuhan ng Bagyong Crising at ng Habagat.

Ayon sa senador, sadyang maraming kwestyonableng alokasyon sa annual budget ng gobyerno.

Inihalimbawa niya ang bilyong piso na palagiang hiling ng Department of Public Works and Highways para sa pagbabayad sa right-of-way kahit marami pang hindi nagagamit na pondo para rito.

Kasama rin anya sa kwestyonableng alokasyon ang Tulong-Dunong scholarships na walang habas umano kung ipamigay ng mga mambabatas.

May binanggit pa ang senador na ilang pondo na nagagamit sana sa infrastructure at livelihood projects subalit nakaimbak dahil hindi alam ng implementing agency.

Paglaban sa Baha

Samantala, sa gitna ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa, muling nanawagan si Senador Joel Villanueva para sa pinagsama-samang hakbang mula pamahalaan.

Ayon sa senador, tila sirang plaka na siyang paulit-ulit na panawagan para sa isang comprehensive at integrated flood control program, ngunit tila walang tunay na pagbabagong nararamdaman ang mamamayan.

Muling binanggit ng senador na halos P1.4 bilyon kada araw ang ginagastos ng pamahalaan sa flood control programs, ngunit nananatiling laganap ang baha, lalo na sa kanyang lalawigan sa Bulacan.

Hinimok din ng senador na silipin ang mga feasibility studies na taon-taon ding pinopondohan—kung ito ba ay naaayon at naipatutupad nang tama, at kung epektibo ang disenyo ng flood control projects sa aktwal na sitwasyon.

Isa pa sa mga binigyang-diin ni Villanueva ay ang problema sa waste management, na malaki rin anya ang epekto sa lalim at tagal ng pagbaha sa mga urban area.

Dahil dito, nanawagan ang senador para sa inter-agency coordination sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Metro Manila Development Authority (MMDA), upang makabuo ng “whole-of-government approach” sa paglutas ng krisis sa baha.

26

Related posts

Leave a Comment