BINABALEWALA RIN NG CHINA SI BBM?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TULAD ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mistulang binabalewala rin ng China si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil tuloy-tuloy ang pagha-harass ng mga barko nito sa Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).

Hindi rin nangyari ang sinasabi ni BBM na medyo kumalma ang puwersa ng China dahil binubuntunan na lamang daw nila ang ating PCG na nagpapatrulya at nagdadala ng supply sa Navy na naka-deploy sa Ayungin Shoal, kung ang report ng PCG ang pagbabasehan na muli silang pininahan ng Chinese Coast Guard noong June 30.

Ginagawa ba ito ng China dahil mistulang lumambot si BBM matapos makatanggap ng 20,000 sako ng abono mula sa nasabing bansa bilang donasyon.

Naalala ko tuloy noong panahon ni Duterte na matapos magbigay ng COVID-19 vaccines noong 2021 ang China ay biglang sumugod ang sangkatutak na fishing vessels nito habang nakasara ang ating bansa dahil sa pandemya.

Tandaan natin na kapwa sinabi nina Duterte at Marcos noong sila’y ngangangampanya na kahit isang pulgada ng teritoryo ng WPS ay hindi nila isusuko kahit kaninong bansa pero napatunayan na political soundbites lang ito lalo na sa panig ng dating Pangulo.

Napatunayan na natin na hindi talaga iginalang ng China si Duterte at sinamantala ng gobyerno ni Xi Jinping ang pagiging anti-Amerika ni Digong dahil kung may iginalang siya, tinupad sana ang mga pangakong investment at hindi nila pinasok ang teritoryo ng Pilipinas.

Pero iba ang nangyari, lalong dumami ang mangingisdang Intsik sa WPS at hina-harass ng kanilang coast guard ang ating mga kababayan kaya hindi sila makapangisda nang maayos sa sariling teritoryo at ang masaklap pa sa lahat, maging ang ating PCG ay hina-harass nila.

Ngayong panahon ni BBM, mukhang walang plano ang China na igalang din siya dahil bigla siyang lumambot sa kanyang posisyon sa WPS matapos matanggap ang abonong donasyon ni Xi Jinping.

At mukhang nanganganib din na makuha ng China ang Ayungin Shoal dahil hindi pang Chinese Coast Guard ang naka-deploy kundi ang warship ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) na isang pruweba ng pambabastos at pagbabalewala nila sa Pangulo.

Pero umaasa pa rin tayo na tutuparin ni Marcos ang kanyang pangako na patuloy niyang igigiit ang July 2016 international arbitral ruling laban sa China at panindigan ang kanyang binitiwang salita na “We will not allow a single square millimeter of our maritime coastal…rights to be trampled upon.”

Huwag makinig kay Duterte na bobombahin ni Xi Jinping ang Pilipinas kapag sumiklab ang giyera dahil sa presensya ng puwersa ng Amerika sa ating bansa dahil lalong magkakaroon ng dahilan ang Amerika na giyerahin sila kapag nangyari ‘yun.

Walang may gusto ng giyera pero huwag sanang takutin ang mga Filipino dahil ang ganitong pananakot ay senyales ng pagsuko sa China at ito rin ang dahilan kung bakit lalo lumalakas ang loob nila na angkinin nang buong-buo ang WPS.

405

Related posts

Leave a Comment