BINARIL NA BRODKASTER SA BICOL PUMANAW NA; PNP BUMUO NG TASK FORCE

KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na pumanaw na ang Bicolanong brodkaster na si Noel Bellen Samar nitong Martes, dakong alas-dos ng hapon, matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Matatandaan na binaril si Samar nitong Lunes, habang sakay sa kanyang motorsiklo sa Maharlika Highway, Purok 3, Barangay Morera, Guinobatan, Albay.

Mariing kinondena ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang karumal-dumal na pag-atake sa mamamahayag, at tiniyak na hindi ito palalampasin.

“Walang puwang sa lipunan ang ganitong uri ng karahasan,” ayon kay Nartatez, na agad inatasan si PRO-5 Director Brig. Gen. Nestor Babagay Jr. na imbestigahan ang lahat ng posibleng anggulo upang matukoy at madakip ang mga nasa likod ng pamamaril.

Bilang tugon, bumuo ang PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) “Samar” na tututok sa case build-up, pangangalap ng ebidensya, at koordinasyon sa iba’t ibang law enforcement agencies upang mapanagot ang salarin.

Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay, kabilang ang posibilidad na may kaugnayan ito sa trabaho bilang brodkaster ni Samar.

(TOTO NABAJA)

19

Related posts

Leave a Comment