CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cavite police hinggil sa pagkamatay ng isang 31-anyos na lalaki na pinagbabaril sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Mark Anthony Santina y Reopino, binata, ng Brgy. Maduya, Carmona, Cavite, habang blangko pa ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Rommel Samorin ng Carmona Municipal Police Station, isang tawag ang kanilang natanggap hinggil sa umano’y biktima ng pamamaril sa kanilang bahay sa Brgy. Maduya, Carmona, Cavite dakong alas-7:20 ng umaga.
Agad nagresponde ang mga awtordad ngunit nang dumating sila ay nagalaw at nailipat na ang bangkay ng biktima ng ama nitong si Rudy Santina.
Nakuha sa crime scene ang isang lukot-lukot na papel na may nakasulat na “Kapag hindi ko gagawin ‘to, kayo ang papatayin nila, inutusan nila ako para kunin ang mga bagay na gusto nila”.
Ayon sa pulisya, isasailalim sa imbestigasyon ang lahat ng nakatira sa nasabing bahay dahil walang natagpuang anomang gamit sa pagpatay sa biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
237
