Binisto sa Senado ‘SPECIAL FRIENDSHIP’ NI PDU30 SA WANTED PHARMALLY OWNER

(ESTONG REYES)

INILUTANG ni Senador Risa Hontiveros na nagkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan si Pangulong Rodrigo Duterte sa puganteng si Huang Wen Lei, chairman ng Pharmally International, na siyang mother company ng local firm na Pharmally Pharmaceutical.

Nakakuha ang Pharmally ng higit sa P8.6 bilyon halaga ng mga kontrata para magsuplay ng mga produktong pangkalusugan at pangmedikal.

Ibinahagi ng senador ang isang 2017 article mula sa pahayagan na nakabase sa Taiwan na China Times tungkol sa pagpupulong nina Huang Wen Lei at Duterte sa Davao.

“May ibang special friendship na naman ba? Kasi noong 2019 lang nag-integrate ng Pharmally sa Pilipinas. Pero nang nagka-COVID noong 2020 ay nasa Pharmally agad na ibinigay ang kontrata. Ito ay nakikipag-ugnay sa ito kung bakit napakabilis ng transaksyon ng Pharmally sa gitna ng pandemya? ” dagdag pa ni Hontiveros.

Ang salin sa Ingles ng artikulo sa China Times ay nagsasaad: “Huang Wen Lei and entrepreneurial shareholder Wang Mingliang and other core executives visited the Philippines. Duterte made special arrangements” at sila ay nag-meet sa “Davao Hall and invited the director of Drug Administration and the Deputy Minister of Health to attend the meeting.” Dagdag pa sa artikulo na magkakaroon diumano ng “closer cooperation between the two parties” at “win-win situation” daw ito.

Noong 2017, ang director ng Food and Drug Administration ay si Nela Puno, na sinibak ni Pangulong Duterte noong 2019 dahil sa paratang ng katiwalian. Si Puno – kasama ang Pangulo, Huang Wen Lei, at Michael Yang – ay makikita rin sa larawan na kasama sa China Times. Si Yang, chairman ng kumpanyang Full Win na nakabase sa Pilipinas, ay may malapit ding ugnayan sa isa pang wanted na si Zheng Binqiang, ang chairman ng Full Win Group na nakabase sa China.

Ani Hontiveros, bagamat dapat pa ring bigyan ng benefit of the doubt si Duterte, ang pagpupulong kasama ang boss ng Pharmally ay hindi magandang tingnan.

“That meeting has a curious cast of characters. Masyado namang malapit ang Pangulo sa mga taong may tagilid na track record sa serbisyo.

Duterte supposedly has the best and the brightest on his side. Pero bakit parang malalamya ang katabi nya sa picture na ito? Wala na ba syang pakialam kung makita siya ng lahat na nakikisalamuha sa isang taong ‘wanted’?,” sabi ng senador.

“Walang kailangang ikabahala ang mga kawani na nananatiling tapat sa serbisyo. Kung seryoso ang Pangulo na puksain ang korapsyon sa gobyerno, hayaan nyang gumulong ang proseso namin sa Senado. Huwag nyang gawing hobby na ipagtanggol ang Pharmally sa mga press briefings nya,” pagtatapos ni Hontiveros.

141

Related posts

Leave a Comment