(DANG SAMSON-GARCIA)
INALMAHAN ni Senador Risa Hontiveros ang pagtatalaga kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban bilang Officer in charge sa Sugar Regulatory Administration.
Sinabi ni Hontiveros na nakapagtatakang sa halip na parusahan ay tila nabigyan pa ng reward si Panganiban.
Iginiit ng senador na dahil sa pagtatalaga ay natalo na naman ang interes at bulsa ng taumbayan dahil walang magandang kahahantungan ang appointment ni Panganiban sa SRA.
Matatandaang si Panganiban ang naging sentro ng kontrobersya hinggil sa umano’y illegal importation ng asukal na sa halip na idemote o sampahan ng kasong kriminal at administratibo ay binigyan pa ng bagong posisyon.
Para sa senador, lumilitaw sa kaso ni Panganiban na crime really does pay dahil nabibigyan pa ng reward ang nasasangkot sa kontrobersya.
Dapat anya ay sinuspinde si Panganiban at isinailalim sa multiple criminal at administrative investigations dahil sa mga inisyu nitong kautusan na paglabag sa batas at dahilan ng tinawag nitong government sponsored sugar cartel sa bansa.
Nangangamba si Hontiveros na ang SRA sa ilalim ng pamumuno ni Panganiban ay patuloy na tanggihan ang mga request ng mga industriya na makabili ng sariling sugar supply at posibleng tumaas pa ang presyo ng asukal.
Ikinababahala rin ng senador na gamitin ni Panganiban ang bagong posisyon upang pagtakpan ang mga iregularidad sa Sugar Fiasco 2.0.
150