BIRTH CERTIFICATE FOR SALE SA LAKE MAINIT SA SURIGAO?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

BAKIT ang isang payak at simpleng bayan ay nakaladkad sa kontrobersyang birth certificate for sale para sa lokal o dayuhan?

May kwento raw na maikakabit dito.

Ang Lake Mainit ay matatagpuan sa Surigao del Norte.

Noong 2021, ayon sa imbestigasyon, may nagngangalang David Lee Zarate ang nagpakilala na doktor at nag-aalok ng mga donasyong medical supplies at equipment na galing sa World Medical Relief Incorporated (WMR), isang charitable organization na base sa Michigan, U.S.A. Ang nasabing kompanya ay may partner dito sa Pilipinas, ang The World Medical Relief – Philippine National Business and Coordination Center Foundation Inc. (WMR-PNBCCFI), isang non-profit organization na nagbibigay ng libreng medical supplies sa mga bansang mahihirap.

Sa pamamagitan ng WMR-PNBCCFI, si Zarate na nagpakilalang official representative ay kumakausap ng may-ari ng mga ospital sa probinsya para matanggap nila ang medical supplies at equipment nang libre. Kailangan lang na sagutin nila ang transportation at logistics fee.

Subalit ang mga dumarating umano na dapat sana ay medical supplies at equipment ay mga expired na gamot at mga sira at hindi na magamit na medical equipment.

Nabangggit din ng isa umanong dating konsehal ng Maynila na nagpakilalang doktor si Zarate at siya ay president at CEO ng WMR-PNBCCFI.

Sa ilang pagpupulong, ipinakita pa ni Zarate na may mga dokumento siyang hawak na nagpapatotoo na siya ang “Ambassador of Health” ng WMR-PNBCCI.

Dahil maraming reklamong natatanggap gawa ng grupo ni Zarate, nagkaroon ng imbestigasyon, at sumambulat ang katotohanan na si David Lee Zarate ay hindi tunay na doctor. Ang isa sa mga patunay nito ay ang ginagamit na Professional Regulation Commission (PRC) license and registration number na pagmamay-ari ng tunay na doktor, na isa sa mga malalapit daw na kaibigan ni David Lee Zarate.

Ayon sa isang reliable source, si David Lee Zarate ay isa ring Teodore Canlas Soriano. At dito sa bayan ng Mainit humantong ang imbestigasyon kay Zarate na may alias na Soriano.

Kung si Zarate ay mapatutunayang siya rin si Teodore Canlas Soriano, posibleng binago nito ang kanyang sarili at kumuha ng kaduda-dudang birth certificate sa local registry ng Mainit, Surigao.

Sa mga nagdaang araw, ang bentahan ng pekeng birth certificate ay nagiging palasak na at masasabing isa sa mga nakababahalang problema ng ating bansa.

May mga ginagawang hakbang ang ating gobyerno para sugpuin ang problema ng birth certificate, subalit kailangan pa ng mas matinding mga paraan at bigyan ng pansin ng mga kinauukulang ahensiya para ang problemang ito ay tuluyan nang mahinto.

‘Di ba inimbestigahan noon ng NBI ang businessman na si David Zarate sa pagtatapon ng P45B defective medical equipment, supplies.

Ito ay bunga ng mga reklamo rin ng ilang management ng mga ospital sa Mindanao laban sa local brokers ng international aid group, na umano’y nagtatapon ng medical wastes at defective medical equipment sa bansa sa nakalipas na 12 taon.

Pinabulaanan ng mga opisyal ng World Medical Relief, Incorporated (WMRI) ang akusasyon na inilarawan nilang pag-atake laban sa integridad at reputasyon ng charitable organization ng isang miyembro ng local foundation.

Ngayon, ang Zarate ba na umano’y may alyas na Soriano ay iba sa Zarate na konektado sa WMRI?

Maraming huwad sa mundo. At may mga taktika sila para makakuha ng mga dokumento, tulad ng birth certificate, na magagamit sa kanilang intensyon.

Kailangan ang ibayong pagsusuri para maiwasang matanso, ika nga.

303

Related posts

Leave a Comment