BIYAHENG BIKOL PUTOL NA NAMAN DULOT NG BAHA

PUTOL na naman ang biyahe ng mga sasakyan na patungo at manggagaling sa Bicol region sa bahagi ng Maharlika highway sa bayan ng Lopez, Quezon.

Ito ay matapos muling malubog sa mataas na tubig-baha ang nasa isang kilometrong bahagi ng highway sa Barangay Canda Ibaba dulot ng malakas na pag-ulan dala ng bagyong Ulysses.

Mula Huwebes ng gabi ay ibinawal na ng mga awtoridad ang pagbagtas sa lugar dahil sa posibleng panganib na dala ng baha.

Ayon sa Lopez LGU, higit na mas mataas ang baha ngayon kumpara noong nakaraang buwan dulot ng bagyong Pepito na umabot hanggang dibdib ang taas ng tubig.

Inaasahang muling tatagal ng mula tatlo hanggang apat na araw bago muling humupa ang baha.

Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Lopez na huwag na munang tumuloy sa lugar ang mga motoristang mangagaling sa norte o bahagi ng Metro Manila na patungo sa bayan ng Calauag at

Bicol provinces upang huwag tumambak ang mga stranded sa naturang lugar.

Hindi rin madaraanan ang alternate route na Guinayangan -Buenavista road na dadaan sa bayan ng Gumaca matapos wasakin ng bagyo ang ilang mga spillway sa nasabing highway. (NILOU DEL CARMEN)

307

Related posts

Leave a Comment