NABUKING ang paggamit ng ibang pangalan ang isang babae para lamang makaalis sa ibang bansa, nang masakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) sa NAIA Terminal 1 sa lungsod ng Pasay.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor ang suspek na si Bainisin Pulna alyas “Elsa Cornello Saladili”.
Batay sa ulat ng NBI, papunta sa Saudi Arabia via Gulf Air flight si Punla noong Abril 16, 2021 nang kuwestiyunin ng Immigration officers.
Naging kaduda-duda umano ang pahayag ng suspek kaugnay sa kanyang edad habang isinasagawa ang secondary inspection.
Sinabi umano ni Pulna na ang kanyang ama ay isang magsasaka at hindi elementary teacher na nakasaad sa kanyang NSO birth certificate.
Nabatid pa kay Pulna na ito ang unang pagkakataon na siya ay bumiyahe ngunit sa isinagawang beripikasyon sa Central Query Support System ng Bureau of Immigration, lumalabas na may rekord na sa paglabas ng bansa si “Elsa Cornello Saladili” at ang larawan sa pasaporte ay magkaiba sa imahe ng kanyang nakalipas na biyahe.
Dahil dito, matapos mabuking ay inaresto na si Pulna at isinailalim sa inquest proceedings sa Pasay City, Office of the City Prosecutor sa kasong paglabag sa Section 19 (d) (1) ng RA 8239, kilala bilang Philippine Passport Act of 1996. (RENE CRISOSTOMO)
