BLANGKO

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

HINDI na naman ako nakapagsulat ng kolum nitong nakaraang Miyerkoles. Bumagsak ang aking katawang lupa dahil inabot ako ng malakas na ulan habang umiihi sa tabi ng kalye. Hindi ko na kayang pigilan at baka abutin pa ako sa aking pantalon (tiyak na isang malakas na sapok ang ipapadapo sa akin ni kumander kung naganap ito) kaya mabilis na akong nagparaos kahit umuulan.

Mahirap pala ‘yung habang nagkakaedad ay madalas naman ang pagkakasakit. Walang problema ito sa mga may pera. Pero sa kagaya kong peryodistang promdi na palaging kapos sa kwarta…nakalulungkot. Parang naaawa nga ako sa sarili ko kahit matagal ko nang tinanggap na ganito talaga ang reyalidad ng buhay sa Pilipinas.

Kaya uminom na lang ako ng gamot na iniskor ko sa tabing tindahan kasabay ng hilot at tradisyunal na remedyo kapag may sakit. Dahil kung pupunta ako sa doktor ay tiyak na sari-saring medical tests ang ipapagawa at babayaran. Magastos talaga ngayon ang magkasakit. Kaya alagaang mabuti ang kalusugan.

Dahil matanda na, bulnerable na rin ang aking isipan at katawan sa mga problema at tensyon sa araw-araw na pakikibaka sa buhay. Madali na akong maapektuhan. Kadalasan nga ay mababaw at maiksi lang ang tulog ko dahil maraming iniisip.

Kaya nagdesisyon na akong sundin ang matagal nang payo sa akin. Ang unang dapat gawin – iwasan ang pagpo-post sa social media ng mga opinyon lalo na at tungkol sa pulitika para walang debate. Walang gulo.

Kaya ikukulong ko na lang muna ang aking mundo para sa pamilya. Dededmahin ko na lang ang mga nagaganap sa paligid lalo na ang korupsyon sa gobyerno, mga boladas bullshits ng mga pulitiko at opisyales ng pamahalaan. Dagdag tensyon ang mga ito, nakasusuka pa.

Hindi na rin naman mababago ang sitwasyon. Lalo pang lalala. Kasalanan din naman natin. Tayo ang pumipili sa kanila. Kaso, tuwing eleksyon ay hindi tayo seryoso sa ating responsibilidad bilang mamamayan. Kaya kung ano ang kalagayan ng ating bansa – marami ang naghihirap, malawak ang katiwalian sa gobyerno at patuloy na pagdami ng mga magnanakaw sa pondo ng estado – walang ibang dapat sisihin kung hindi TAYO RIN.

Sa post ko nga sa Facebook, nakalagay ito: “So, from here on, I’ll retreat to silence. To solitude. In the quiet corners of my home….”

##########

PERO, pagkalipas lang ng ilang araw ay natanto kong mahirap pala ‘yung bigla na lang mananahimik ang katulad kong mamamahayag lalo na kapag kagaya kong usisero numero uno.

Kapag nasa harap ako ngayon ng desktop computer sa kwarto o kaya ay nakatitig ako sa cellphone at nagbabasa ng mga balita o pinapasadahan ang Facebook, hindi ko mahadlangan ang paglilimayon ng aking kukote.

Mabuti kung nakatatawa ang mababasa ko at okey lang. Pero iba ang ikot ng utak kapag pagkatapos na magbasa ay biglang tataas ang presyon at kukulo ang dugo sa galit dahil sa nalamang mga impormasyon.

Nakasanayan ko na ang awtomatik na pagbuo ng opinyon tungkol sa aking nabasa. Minsan ay maiksi lang na may kasamang pagmumura para i-post sa Facebook.

O kaya naman ay isusulat ko ang isang mahabang reaksyon para sa aking lingguhang kolum sa peryodiko – lokal man o nasyunal – at papaksain ko rin sa aking pang-araw-araw na programa sa radyo at social media noong hindi pa sumasakit ang aking lalamunan.

Kaya nitong mga nakaraang araw ay napag-isip-isip ko na mahirap palang gawin ang binabalak kong pananahimik. Parang tinatraydor ko pa ang aking sarili. Isa kasing adbokasiya ko noon pa ang panghihikayat sa mamamayan na huwag masanay na magsawalang-kibo.

Na kailangang magsalita at ipahayag ang anomang puna at batikos sa mga nakikitang kapalpakan sa paligid lalo na sa ating pamahalaan (pero kasama na ang pagpuri kung nararapat). At gamitin ang social media sa gawaing ito upang mas malawak ang maabot hanggang sa makarating ito kaalaman ng mga kinauukulan.

Binulungan nga ako ng isang kakosang reporter: “Habang nasa propesyon tayo ng pamamahayag, hindi tayo pwedeng manahimik na lang sa isang tabi. Maraming isyu sa paligid na dapat nating bigyang linaw para sa kapakanan ng mamamayan. Ito ang ating mundo”.

Dagdag pa niya: “Binaril ka na nga pero hindi ka huminto. Hindi ka natakot. Tapos ngayong nagkakasakit ka lang dahil sa katandaan mo, saka ka pa tatahimik? ‘Yang sakit sa katawan, iniinom lang ‘yan ng gamot.”

Napatingin ako sa salamin. Nagtatanong. Pero blangko ang isip.

20

Related posts

Leave a Comment