BOC BINANTAYAN, MAS PINABILIS PAGPROSESO NG FUEL IMPORTS

UPANG matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng langis sa bansa, nagpatupad ang Bureau of Customs (BOC) ng mas mahigpit na monitoring at priority processing sa lahat ng petroleum imports.

Sa ilalim ng OCOM Memo No. 36‑2026 na inilabas ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, inatasan ang lahat ng pantalan na bigyang prayoridad ang fuel shipments, agad na iproseso ang dokumento, at i-monitor nang walang patid ang mga pagdating ng langis.

Nabatid na kabilang sa mga naunang na-facilitate ang 9.1 milyong litro ng diesel shipment ng PNOC sa San Fernando, La Union, na bahagi ng Strategic Fuel Reserve ng Department of Energy, at ang crude oil shipment mula Russia na dinala ng M/T Sara Sky sa Petron Bataan Refinery.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na “kritikal ang mabilis na paglabas ng petroleum products upang manatiling gumagalaw ang bansa,” dito ay pinapurihan ang Ports of San Fernando at Limay sa kanilang maagap na aksyon.

Kasabay nito, pinalakas ng BOC ang Fuel Marking Program upang matiyak na lahat ng produktong petrolyo ay tunay, tax-paid, at sumusunod sa regulasyon, pati na rin ang vessel tracking system para sa tuloy-tuloy na pagbabantay sa mga tanker habang nasa dagat.

Ayon sa BOC, ang mga hakbang na ito ay nakatutulong hindi lamang sa seguridad ng power supply kundi pati sa matatag na koleksiyon mula sa petroleum imports na umaabot sa P200 bilyon kada taon.

(JESSE RUIZ)

68

Related posts

Leave a Comment