Para sa masusing pagsusuri ng mga pumapasok na kargamento
(Ni Jomar Operario)
Upang masigurong dadaan sa masusing pagsusuri ang mga pumapasok na kargamento at matiyak na walang makakalusot na kontrabando ay itinalaga ang Entry Processing Units (EPUs) sa lahat ng Bureau of Customs (BOC) collection districts bilang Regional Risk Management Units (RRMUs).
Ang RRMUs kasama ng kanilang mga tauhan at ari-arian ay pansamantalang isinama bilang units sa ilalim ng BOC’s Risk Management Office (RMO) habang nakabinbin pa ang isasagawang reorganization ng ahensya.
Sa CMO 23-2019, nakasaad na ang designasyon o pagtalaga sa EPU bilang RRMU ay para makatulong sa ‘cargo selectivity system’ at sa pagpapatupad at pangangalaga ang Section 5 ng Executive Order (EO) 836 na may kinalaman sa pagsalin ng BOC Risk Management Group tungong RMO at kasama ang Customs Administrative Order (CAO) No. 6-2009 na kung saan ipinatutupad ang EO 836.
Ayon pa sa Paragraph 1, Section III ng CAO 6-2009, ang RMO ay makikipag-ugnayan sa lahat ng regional management offices para sa reports at rekomendasyon ng mga dapat gagawin.
Sa ilalim ng Section 5 ng EO 836 na inisyu noong 2009, nakasaad na ang deputy commissioner ng BOC’s Intelligence Group bilang manager ng RMO, ay maaaring magrekomenda sa commissioner ng Customs ng bagong polisiya para sa ikagaganda ng RMO.
Ang RMO ang namamahala sa pag-aaral ng mga kaganapan kaugnay sa BOC’s selectivity system at magsasagawa ng patuloy na pag-aaral sa profile ng importers, exporters at Customs brokers at magmamantina ng database ng lahat ng smuggling cases at may kaugnayan nitong data at iba pa.
Ang pagpapalakas ng Risk Management System ay kasama sa mga isinusulong ng ahensya upang higit pang palakasin ang ‘non-intrusive examination system’ na bahagi pa rin ng 10-point program ng ahensya.
