Sa gitna ng pandemyang dulot ng coronavirus disease ay nalagpasan pa rin ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang target na koleksyon sa nagdaang buwan ng Pebrero.
Sa data na inilabas ng BOC, nakapagtala sila ng kabuuang 46.145 bilyong pisong koleksyon kumpara sa 42.157 bilyong pisong nakolekta noong Pebrero nang taong 2020.
Lagpas ito ng 3.988 bilyong piso o katumbas ng 9.4 porsyento na pagtaas ng halaga ng mga nakolektang buwis ng BOC.
Sa inilabas na preliminary report mula sa BOC-Finance Service, 10 mula sa 17 Collection Districts ang nakalagpas sa kanilang collection target para sa buwan ng Pebrero 2021.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng Port of Legaspi, Port of Tacloban, Port of Cagayan de Oro, Port of Subic, Port of Batangas, Port of Iloilo, Port of Clark, Port of Davao, Port of Manila at Manila International Container Port.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ng Enero, nalagpasan din ng BOC ang kanilang montly revenue collection target ng 7.4 porsyento na may katumbas na 3.277 bilyong piso.
Ito ay dahil sa patuloy na pagpapatindi ng BOC ng kanilang pagsisikap sa koleksyon sa lahat ng kanilang ports ngayon taon.
Bukod dito ay kanila ring pinagbubuti, ang volume ng importasyon at ang pagsisikap ng gobyerno sa pagtitiyak ng patuloy na paggalaw ng kalakal habang minamantina ang border security at kalakalan.
Kaugnay nito, muling pinuri ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang pagsisikap ng mga kalalakihan at kababaihan ng Bureau of Customs sa kabila ng panganib sa kanilang kalusugan at kaligtasan sa pagpapakita ng walang humpay na pangako at dedikasyon sa serbisyo.(Joel O. Amongo)
149
