UPANG mabigyan ng pag-asa ang nasa 12,000 overseas Filipino workers (OFW) na makuha ang undelivered balikbayan boxes ng recipients nationwide, nagbigay ng suporta ang ahensiya ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Balikbayan and OFW Action Center (BOAC), sa pagsasampa ng kaso laban sa Makati Express Cargo, Inc. (MECI) sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Disyembre 4, 2025.
Nabatid na itinatag ang BOAC bilang bahagi ng kampanya ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang pangalagaan ang interes ng mga OFW at palakasin ang mga sistema na magarantiyahan ang kanilang mga padala ay maiproseso nang tama, maayos, at may integridad.
Sa pamumuno ni Deputy Commissioner Michael C. Fermin ng Internal Administration Group, aktibong nakikipagtulungan ang BOAC sa apektadong OFWs sa pagkalap ng mga hinaing, pagsiyasat sa mga report, at pagtukoy sa mga karampatang kaso laban sa mga mapang-abusong kumpanya.
Ang prosesong ito ang naging susi upang tuluyang makapagsampa ng kaso ang mga OFW laban sa MECI, isang mahalagang bahagi sa patuloy na misyon ng BOAC na protektahan ang kanilang karapatan at tiyakin na ang sinomang responsable ay haharap sa mata ng batas.
Ayon kay Fermin, ang OFW balikbayan boxes ay nagmula sa mga bansang USA, Qatar, Saudi Arabia, at United Arab Emirates, na target sana na matanggap ng recipients ang mga kahon bago matapos ang taon.
“Para sa ating mga bagong bayani sa ibang bansa, bawat balikbayan box ay simbolo ng kanilang taong sakripisyo at pagsisikap na masuportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas,” ani Fermin.
Ibinahagi rin ni Deputy Commissioner Fermin ang patuloy na pagtutulungan ng BOC, NBI, Department of Finance, at kaukulang mga embahada sa pagbuo ng matibay na kaso laban sa mapang-abusong logistics operators.
“We have already met with the Philippine Embassy and the Embassy of Qatar to discuss ways to halt these operations and ensure accountability even overseas. We hope this step sends a clear message that the Philippine government will not tolerate this kind of abuse against our kababayans, especially during the holiday season,” pahayag ni Fermin.
Sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, patuloy na nakikipag-ugnayan ang BOAC sa national government upang siguruhin na ang lahat ng apektadong balikbayan boxes ay maipadadala pa rin sa recipients.
(ELOISA SILVERIO)
15
