MULA sa Balipure ay lipat-bakod na sa Cignal HD si veteran open hitter Graze Bombita.
Sa social media pages ng HD Spikers, pormal na ipinakilala ng koponan noong Huwebes ang pinakabagong armas nila sa susunod na season ng Premier Volleyball League (PVL).
“Graze Bombita is ready to detonate and score some points for the #AwesomeNation!”
Naglaro pa si Bombita para sa Purest Water Defenders sa 2021 PVL Open Conference at isa sa mga naging Player of the Week.
Sa kabila ng maganda niyang performance ay nagkasya lang ang Balipure sa ikawalong puwesto sa season, kung saan tinanghal na kampeon ang Chery Tiggo.
Tuloy ang pagpapalakas ng Cignal para sa 2022 PVL. Nauna kay Bombita, kinuha rin ng team sina veteran spiker Angeli Araneta, libero Bia General at setter Gel Cayuna.
Maagang natapos ang kampanya ng Cignal HD sa nakaraang season nang mangulelat sa ika-10 pwesto.
Kamakailan lang ay ipinahayag ng kauna-unahang pro volleyball league sa bansa na plano nilang magsagawa ng dalawang conference sa susunod na taon kaya target nila na magsimula ng Pebrero 2022. (ANN ENCARNACION)
