BONOAN MAG-LEAVE MUNA SA DPWH

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TINGNAN natin kung ano ang masasabi ngayon ni House Speaker Martin Romualdez sa ilang kongresista na nadadawit sa katiwalian sa flood control projects.

Nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na mananagot ang mga sangkot sa katiwalian sa bilyun-bilyong pisong flood control projects.

Sa magkakasunod na masamang panahon kasama ang ilang mga bagyo na tumama sa bansa, nagdulot ito ng kaliwa’t-kanang pagbaha sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Sabay-sabay nagtanong ng mga Pilipino, nasaan daw ba ang mga flood control project na pinondohan ng bilyun-bilyong piso ng gobyerno?

Walang maituro ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan napunta ang mga ito. Narinig mismo ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang sinabi ni PBBM dahil naroon siya sa SONA.

Nangako naman siya na maglalabas ng listahan ng flood control projects, sana tukuyin niya kung sino sa mga kongresista ang may hawak ng mga proyektong ito.

Hamon ng publiko kay Bonoan, kung talagang gusto niyang matuldukan ang katiwalian sa flood control projects, ilantad niya kung sino ang mga nasasangkot dito, maging mga tauhan niya na nadadawit sa kalokohang ito.

Papaano pala kung may magturo na kasama si Sec. Bonoan sa katiwalian sa flood control projects? Mas makabubuti siguro sir, na mag-leave muna kayo para hindi maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects.

Sa privilege speech ni Davao City Rep. Isidro Ungab, sinabi niya na para kapani-paniwala ang isinasagawang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso partikular ng House Committee on Public Accounts, ay ‘wag makialam ang mga kongresista.

Sa akin naman, hayaan n’yo makialam ang ilang kongresista sa imbestigasyon, para malaman natin kung sino sa kanila ang nasasangkot sa katiwalian. Kung sino’ng pipiyok ay siya ang nangitlog.

Hindi porket mga mambabatas sila, ay hindi na sila pwedeng parusahan kahit na lumalabag sila sa batas. Dapat nga dahil sila ang gumagawa ng mga batas, sila ang magiging modelo na sumusunod sa batas.

Kaya lang ay may pagdududa pa rin ang taumbayan, kung magiging patas daw ba ang isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Public Accounts hinggil sa katiwalian ng flood control projects, dahil kapwa nilang mga kongresista ang kanilang iimbestigahan.

Dapat kasuhan na lang sa korte ang mga kongresista kung sino man sa kanila ang idinadawit sa katiwalian sa flood control projects. Duda ng mga Pilipino, baka natapos na ang administrasyon ni PBBM ay wala pang naparurusahan sa mga nagkasala.

Hindi rin dapat tantanan ng media ang pagsisiwalat sa mga katiwalian tulad ng flood control projects, na ang apektado ay maraming Pilipino.

Bilyong pisong halaga ng mga ari-arian at buhay ng mga Pilipino ang nawawala sanhi ng palpak na mga proyektong ito na hindi malaman kung nasaan.

Kaya dapat may managot dito, kahit sino man ka mang Poncio Pilato, dapat pagbayaran mo ang ginawa mo! Hindi na nabawasan ang korupsyon sa ating pamahalaan, sa halip na mawala ay lalo pang lumala.

Ang nangyayari kasi ay puro umpisa lang ang imbestigasyon, kalaunan ay bigla na lang naglalaho ang isyu, hindi na alam ng publiko kung may naparusahan ba o wala. Dapat maging sinsero ang gobyerno sa paglaban sa katiwalian.

Kung hindi man ang gobyerno, ang mga pribadong samahan na lumalaban sa mga katiwalian, ay dapat tiyakin nila na may naparurusahan sa mga nagkakasala.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

17

Related posts

Leave a Comment