NELSON S. BADILLA
HINDI matitinag ang gambling lord na si alyas “Tisay” sa lungsod ng Caloocan dahil si alyas “Reyna” rin ang kanyang kinapitan.
Pinakawalan ng pinagkakatiwalaang source ng Investigative Journalist na ito ang nasabing impormasyon upang malaman ng mga sumusubaybay sa serye ng SAKSI Ngayon hinggil sa ilegalidad ang kalagayan ni alyas Tisay.
Ayon pa sa source, si alyas “Reyna” rin daw ang nagbigay ng pondo sa nasabing Tisay upang maikasa nito ang kanyang bookies sa “EZ2” at sa “lotteng”.
Pumapalo hanggang P300,000 ang kubransa kada araw ni alyas Tisay, wika pa ng source.
Mababa nang bahagya sa P400,000 na kubransa ni alyas “Boyong” bawat araw.
Ang alyas Boyong na ito ay mayroon ding sariling bookies ng EZ2 at lotteng sa Caloocan.
Kakumpitensya nilang dalawa ang isa pang gambling lord na si alyas “Renel” sa bookies ng EZ2 at lotteng.
Ngunit, lamang ang naturang Renel kina alyas Tisay at alyas Boyong dahil mayroon pang jueteng si alyas Renel sa Caloocan.
Si alyas Reyna na nagpondo sa ilegal na sugal ni alyas Tisay ay siya ring Reyna na ibinunyag kahapon ng SAKSI Ngayon na nagpasok ng kanyang bookies ng small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Naninindigan ang SAKSI Ngayon sa impormasyong ibinigay ng mga mapagkakatiwalaang source sa Investigative Journalist na ito na namamayagpag ang bookies sa STL ng nasabing alyas Reyna sa ilang lungsod sa NCR.
Ayon sa sources, nakapasok ang nabanggit na Reyna sa NCR ilang araw makaraang maging direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Vicente Danao Jr.
Sa kanyang pagkakapuwesto sa NCRPO noong si retiradong General Debold Sinas pa ang hepe ng Philippine National Police (PNP), itinaas ang ranggo ni Danao sa major general mula sa pagiging brigadier general dahil dalawang estrelya dapat ang heneral na nangangasiwa ng NCRPO.
Ayon sa sources, ang umugong na impormasyon sa mundo ng illegal gambling ay ‘malakas’ daw si alyas Reyna sa NCRPO.
Si Reyna ay kilala sa bansag na “Tita” sa Laguna kung saan sobrang tindi umano ng kanyang bookies sa STL.
Walang malinaw na impormasyon ang sources ng SAKSI Ngayon kung paanong nakaugnay at nagkaroon ng ugnayan sina alyas Reyna, o alyas Tita, at alyas Tisay.
Ayon sa isang source, biglang ‘pumutok’ na lang pangalan ng nasabing Tisay sa Caloocan.
Walang makapal na impormasyon ang source ukol kay Tisay, maliban sa hinala niyang ito rin ang alyas Tisay na matagal nang namamayagpag sa Quezon City.
Aniya, ang Tisay sa Quezon City ay bookies ng EZ2 at bookies ng lotteng din umano ang negosyo.
Ayon sa source, matagal na rin ang operasyon ni alyas Tisay sa Quezon City.
Patutsada ng source na kung tapat at seryoso sa trabahong paniniktik ang intelligence unit ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa mga negosyong deklaradong ilegal sa batas ng bansa ay pihadong alam na alam ng nasabing yunit ang operasyon ni alyas Tisay hinggil sa bookies ng EZ2 at lotteng.
Ang QCPD intelligence unit din ang makapagbibigay ng wasto at eksaktong impormasyon kung ang alyas Tisay na nasa likod ng mga bookies ng EZ2 at lotteng ay siya ring alyas Tisay na humahataw sa Caloocan.
258
