LIKAS sa mga magulang ang maging mahigpit pagdating sa mga barkadang nakakasama ng mga anak na lalaki. Dobleng higpit naman kung may manliligaw sa supling na dalagita.
Karaniwang inaalam ang pinagmulang pamilya o ‘di naman kaya’y direktahang tinatanong ang isang binata sa hangaring higit pang makilala.
Gayundin sa larangan ng halalan kung saan ang mga kandidato’y mistulang masugid na manliligaw sa hangaring masungkit ang matamis na oo ng mga botanteng hinaharana.
Sa proseso ng panliligaw, lamang ang may dalisay na pakay – walang itinatago, hindi maitim ang gilagid! Gayundin sa hanay ng mga politiko, kailangan malinis, matino at walang nakakubling baho. ‘Yan mismo ang kwento ng umiinit na salpukan sa lungsod ng Caloocan sa pagitan ng mga Erice at Malapitan.
Wala pa mang hudyat ng kampanya sa Caloocan, may mainit na isyu nang pinagtatalunan. May mga residenteng nagpahayag ng agam-agam kay Caloocan Rep. Egay Erice sa kanyang puntiryang umupo bilang susunod na alkalde.
Isa sa mga isyung ipinukol kay Erice ang kabiguan nitong disiplinahin ang anak na umano’y sangkot sa malawakang pagbebenta ng ilegal na droga.
Kaya naman siya’y binansagang kunsintidor na ama.
Sa aking sapantaha, hindi naman siguro aabot sa pagiging literal na kunsintidor si Erice. Kung mayroon man siyang pagkukulang, iyon ay ang umiral na damdamin ng isang amang sukdulang
protektahan ang kanyang anak na isinunod pa sa kanyang pangalan.
Pero teka… parang kunsintidor pa rin ang dating nun, ‘di ba?
Oops, bigla akong nalito! Hindi nga ba’t itinanggi ni Erice ang anumang kaugnayan sa isang Edgar Aranas Erice Jr. na dinakip sa isang buy-bust operation sa Pasay City noong Marso 2018?
Katunayan, sinabi pa niya sa isang panayam na isa lang ang kanyang anak – si Jose Manuel Erice.
Naku pu! Itinakwil na yata ang anak na sa droga ay talamak sa hangaring ‘di mapurnada ang pwestong kursunada!
Ang siste, may bwelta ang kampo ni Erice sa katunggaling anak ni Mayor Oca Malapitan. Aniya, tuldukan ang dinastiya! Kung ayaw niya ng pami-pamilya sa pulitika, bakit nasa kwadra niya ang
magkapatid na Alou at Kaye Nubla, gayundin ang mag-amang Recom at King Echiverri?
Susmaryosep!
Ang totoo, angkop lang naman maging mapanuri ang mga botante lalo pa’t kinabukasan nila ang nakapusta sa bawat sipi ng balota. Sa pagitan ng usaping droga at dinastiya, alin ang lesser evil?
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
