BOTO NI JUAN GAANO KAHALAGA? LTO INVESTOR FIXER NG DOTR?

Misyon Aksyon

Ilang araw na lang papasyahan na ni Juan dela Cruz kung sinu-sino ang mga mapapalad na maluluklok sa puwesto at papalit sa iba’t ibang posisyon, mapalokal at nasyunal.

Sa bawat boto na pakakawalan, doon matatala kung tama ba ang kapasyahan ng bawat pangalan na isusulat sa balota. Mula ba ito sa puso o sa halagang natanggap?

Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ng kandidatong pinasyahan mo makakabuti kaya sa kapakanan ng bawat bayan at probinsya na kinamulatan mo?

Kaya maging matalino sa bawat pasyang iyong bibitiwan dahil naghihintay po ang susunod na henerasyon ng ating bayan. Huwag nating panghinayangan ang kakarampot na halagang bigay. Kaya magpasya po tayo para sa kinabukasan, sa matahimik na pamumuhay at maunlad na buhay.

oOo

Talagang pagdating sa negosyo talentado ang da­ting Land Transportation Office (LTO) investor na alyas LP. Makaraang ma-revoke ang kanyang prangkisa ng Private Emission Testing System (PETC) ay naghanap ng sasalo sa kanyang negosyo na nalugi sa madaling salita, agad itong nakahanap at nabenta ng doble sa halaga ng kanyang puhunan.

Kaya agad namang naka-kit­a ng isang bagito na nego­syanteng nais maging investor ng LTO. Pinaliwanag ang sistema ng kitaan kung gaano kabilis ang return of investment (ROI). Mabilis na nagpasya ang kanyang nauto at binayaran si LP kaya tuwang-tuwa sa galak.

Hindi nagtagal ay kumonsulta ang bagitong negosyante sa isang eksperto sa larangan ng PETC at pinayuhan na tubong lugaw ang benta sa kanya ni LP kaya tinawagan si LP at binawi ang kalahati ng bayad.

Lalong kinarir ni LP ang kanyang hanapbuhay bilang fixer ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa kanyang mga koneksyon kaya lahat ng may paglabag sa PETC na non-appearance at kapag pinadalhan ng show cause order na mare-revoke ang prangkisa, doon na gu­magana ang kanyang pagkamahikero at pagkata­lentado na laway lamang ang kanyang puhunan ngunit milyon ang kitaan ng kanyang mga transaksyon.

Natuwa at namayagpag si LP sa pinalabas ng bagong department order ng DOTr na panukalang sibakin ang mga PETC investor ng Privatizing the Motor Vehicle Inspection Center.

Ang nasa likod ng mga matataas na opisyal ng DOTr at anak na ng pinakamataas na opisyal ang siyang nagtitimon ng mga pailalim na ilegal na transaksyon.

Para kumita ng malaking halaga at sa pag-alis nila sa nasabing ahensya mucho dinero sila kaya kawawa lagi ang publiko na taliwas sa adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa susunod po ay tatalakayin natin kung sinu-sino pa ang nasa likod ng talentadong dating investor at negosyante na ngayon ay bigtime fixer na po ng LTO at DOTr.

Tatalakayin din natin ang isang hepe ng isang Licensing Center sa NCR na maraming sasakyan na high end. May naglalakihang lote rin ito at higit sa lahat takot itong maglagak ng pera sa bangko dahil baka masilip. Abangan.

Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan. NOTE: Problema sa SSS, GSIS, PAG-IBIG homeowners at iba pa. Cellphone no. Smart 09420874863 / 09755770656 Email Address:Misyonaksyon@yahoo.com / arnel_petil@yahoo.com / arnelpetil12@gmail.com http://misyonaksyon.blogspot.com (Misyon Aksyon / ARNEL PETIL)

409

Related posts

Leave a Comment