IPATUTUPAD ng Manila Police District (MPD) ang buddy-buddy system ilang pag-iingat kasunod ng dalawang insidente ng pagdukot sa kanilang tauhan.
“Hindi na ako papayag na maiulat pa ang “abduction” sa mga tauhan ko kaya magpapatupad ako ng “buddy-buddy system.” ayon kay MPD-District Director, P/B. Gen. Leo Francisco.
Ayon sa heneral, dalawang pulis-Maynila ang magkasunod na dinukot ng mga armadong lalaki na sakay ng SUV sa loob lamang ng isang linggo.
Gayunman, inaalam pa ng MPD kung may kaugnayan sa isa’t isa ang pagdukot kina P/Cpl. Allan Hilario ng MPD-Meisic Police Station 11 nitong Pebrero 18 at kay Patrolman Real Lopez Tesoro, dating nakatalaga sa MPD -Jose Abad Santos Police Station 7 nito lamang nakaraang Pebrero 24.
“Pinag-aaralan namin kung itong dalawang kaso ng abduction dito sa Manila ay may relasyon,” pahayag ni Francisco.
“Kung titignan mo talaga, planado, halos parehas ‘yung kanilang modus operandi,” ayon pa sa opisyal.
Patuloy pa umanong bineberipika ang record ng 2 pulis sa kanilang dating mga unit at kasong kinakaharap kung mayroon man. (RENE CRISOSTOMO)
