LAKAS-LOOB na ibinato ni Atlanta Hawks’ A.J. Griffin ang bola, 0.5 seconds sa orasan, swak!
At tinalo ng Hawks ang Chicago Bulls, 123-122 sa overtime game, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa State Farm Arena sa Atlanta.
Perpekto ang assist pass ni Jalen Johnson sa sidelines at walang kabang binitiwan ni Griffin ang fadeaway shot.
Ang bucket ni Griffin ay isa lamang sa nakaka-excite na bahagi ng extra period. Una rito, may dalawang segundo sa laro, humirit si Trae Young ng clutch 3-pointer para umangat ng two points ang Hawks.
Pero kasunod nito, na-foul ni Bogdan Bogdanovic si Bulls star DeMar DeRozan mula sa 3-point area. Dinala ng foul sa free throw line si DeRozan at walang mintis ang tatlong free shots na nagpalamang sa Bulls.
Nag-timeout ang Hawks, nag-inbound, at nang mapasakamay ni Griffin (mula kay Johnson), naibulsa ang panalo.
Nanguna sa Hawks si Bogdanovic, 28 points at seven rebounds off the bench, nagdagdag si Young ng 19 points at 14 assists, at si Griffin ay may 17 points sa pagtuldok sa three-game losing skid ng Atlanta.
Kinapos naman si DeRozan ng dalawang assist para sa triple-double performance (34 points at 13 rebounds).
Nagsumite si Zach LaVine ng 21 points at si Nikola Vucevic, 13 points at eight rebounds.
Memphis Grizzlies ang sunod na kalaban ng Hawks, habang New York Knicks naman sa Bulls. (VT ROMANO)
