BURUKRASYA

DPA

KAHIT kailan, walang mabuting idinudulot ang matinding burukrasya at pulitika sa isang bansang tulad ng Pilipinas dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit mabagal ang paghahatid ng tulong sa mga tao.

Wala akong nakikitang dahilan kung bakit hindi pa nahahatiran ng tulong ang halos 9 na milyong pamilya ng social amelioration kundi ang matinding burukrasya at pulitika.

Limang linggo na ang nakakalipas simula nang maging batas ang Republic Act (RA) 11469 o Bayanihan to Heal as One Law, ay kalahati pa lamang sa 18 milyong pamilya na target na tulungan ang nahahatiran ng tulong pinansiyal.

Ang daming prosesong ginagawa mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) hanggang sa local government units (LGUs) kaya hindi nakapagtatakang namuti ang mata ng beneficiaries sa kahihintay.

Inalis na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa maraming lugar at ginawa na lamang general community quarantine (GCQ) pero bakit marami pa ang hindi nakakatanggap ng social amelioration?

Kung sa nakalipas na 5 linggo ay kalahati pa lamang sa 18 milyong target beneficiaries ang nahatiran ng tulong, paano na lamang mahahatiran ng tulong ang natitirang kalahati sa susunod na dalawang linggo?

Ako’y nananalangin na pagdating ng Mayo 15 ay isasailalim na rin sa GCQ ang Metro Manila. Sana Lord!

Ito’y upang makapaghanapbuhay na rin ang ating mga kababayan na nawalan ng kita sa nakalipas na isa’t kalahating buwan.

Kapag ba nakabalik na sa trabaho ang mga beneficiaries, ibibigay pa rin ba sa kanila ang social amelioration na hindi nila natanggap dahil sa tindi ng burukrasya at pulitika?

Imposible kasi na mahahatiran ng tulong ang natitirang halos 9 na milyong pamilya sa loob ng dalawang linggo dahil kung ang kilos ng gobyerno sa nakaraang 5 linggo, ang pagbabasehan natin.

Baka kasi magkalimutan na kapag lumuwag ang situwasyon at nakapaghanapbuhay muli ang ating mga kababayan dahil puwede nilang ikatuwiran na kumikita na rin naman sila ulit.

Kapag ba nangyari yan, sigurado na ibabalik sa gobyerno ang perang hindi naibigay sa mga beneficiaries sa burukrasya? Baka may magdedeklara na natanggap na pero hindi naman pala.

Bakit hindi kasi simplehan ng gobyerno ang proseso at bawasan ang burukrasya dahil ito ang isa sa nagpapabagal sa isang bansa sa kanilang pag-unlad at ugat pa ng katiwalian.

Ang daming tao sa gobyerno ang dinaraanan ng isang papeles bago mailabas ang isang dokumentong kailangan gayung puwede namang isa o dalawa ang signatories pero dahil daw nag-iingat sila eh, ang taumbayan naman ang mahihirapan kaya lalong lumala ang burukrasya.

Dagdagan pa ng pulitikahan sa ibaba, aba, lalong babagal na ang proseso kaya ang biktima ay ang mga tao na dapat ay pinagsisilbihan ng mga taong gobyerno. BERNARD TAGUINOD

 

587

Related posts

Leave a Comment