BUWANANG P200 SUBSIDIYA KADA PAMILYA, BINATERYA

KASTIGO mayor ang binitiwang patutsada ng isang dating kongresistang kinatawan ng manggagawa sa umano’y P200 buwanang subsidiyang tugon ng Palasyo sa panawagang wage recovery para sa mga minimum wage earners.

Ayon kay dating partylist Rep. Renato Magtubo ng grupong Partido ng Manggagawa, nakakadismaya ang pagbasura ng gobyerno sa kanilang isinusulong na P100 kada araw na wage recovery, kasabay ng paglilinaw na hindi pa wage hike ang kanilang hiling sa pamahalaan.

Aniya, ang P100 na wage recovery na kanilang giit ay para lamang makaraos ang mga obrero sa dinaranas na hirap bunsod ng pagsabay ng mga pangunahing bilihin sa dagdag-presyong pataw sa mga produktong petrolyo.

“The P100 that we are proposing is not even a wage hike. It is just wage recovery. Wages have lost their value due to runaway inflation for the past three years,” ani Magtubo, na higit na kilalang unyonista bago pa man nagging sectoral representative sa Kamara.

Sa datos na iprinisinta ng dating mambabatas, taong 2018 pa nang huling inumentuhan ang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila. Sa paglipas ng tatlong taon, halos wala nang halaga ang P537 minimum wage na hindi na kaya pang makabuhay man lang ng isang maliit na pamilya.

Samantala, kakaibang paglalarawan naman ang tuligsa ni minority Rep. Natasha Co sa P200 buwanang ayuda ng gobyerno sa bawat pamilyang Pilipino kapalit ng hindi pagtanggal sa buwis sa mga produktong petrolyo.

“The suggested P200 per month dole out to poor families in lieu of the suspension of the collection of excise taxes on fuel is insulting and pathetic. I reject this proposal of the Department of Finance,” galit na patutsada ng kongresista.

Aniya, mas makikinabang pa ang mga tao kung libre sa pamasahe ang mga commuters, hindi lamang sa bus kundi maging sa Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT) at Philippine National Railways (PNR).

Dapat din aniyang pasanin ng pamahalaan ang P1,500 na ipasasahod ng pribadong sektor sa kanilang manggagawa mula Mayo hanggang Hulyo.

Target ng pamahalaan na maibigay ngayong buwan sa 12 milyong indibidwal ang karagdagang P200 cash assistance.

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at PCOO secretary Martin Andanar, ibibigay ito sa bottom 50% na mahihirap na mga household na aniya’y aabot sa 4.2 million households.

Siniguro ni Andanar na may available na pondo para sa dagdag ayuda na una bang iniulat ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Pangulo na aabot sa 33.1 billion pesos.

Ang dagdag na 2 daang piso ay bukod sa dating 500 pesos monthly na tinatanggap ng mga benepisyaryo ng pantawid pamilya program.

Lalabas na mula sa anim na libo kada taon na nakukuha mula sa pantawid pamilya program, madaragdagan pa ito ng 2, 400 kayat sumat total, aabot na sa 8,400 annually ang maipagkakaloob na cash assistance ng pamahalaan.

Kabilang ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa mga bumabatikos sa anila’y katiting na ayuda.

Ayon kay Renato Reyes, Bayan secretary general, “pittance” o masyadong maliit at hindi sapat ang buwanang ayuda ng pamahalaan.

Tila “out of touch” aniya ang gobyerno ni Pangulong Duterte at ng economic managers nito sa pinagdadaanan ng mahihirap.

Tinawag ding “pittance” ni Sen. Grace Poe ang P200 kada buwan na ayuda at sinabing hindi dapat magtipid ang gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa mga tao. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

229

Related posts

Leave a Comment