NAKATAKDA ring magpatupad ng mas mahigpit na security screening ang Office for Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong summer break partikular sa paggunita ng Holy Week.
“We will also implement stricter coordination with airport authorities and law enforcement agencies, as well as continuous monitoring of security operations,” ayon kay OTS Administrator Gilberto Cruz.
Ayon kay Cruz, pagaganahin ang OTS Transportation Operations Center nang 24/7 upang matiyak ang agarang pagtugon sa anomang insidente, bagaman aminado siyang hindi pa ganap na kumpleto ang kagamitan para sa tuloy-tuloy na operasyon.
Bilang paghahanda sa inaasahang dami ng mga biyahero, kinansela rin ang vacation leave ng security screening officers na nakatalaga sa mga kritikal na lugar. Sa kasalukuyan, may 1,089 screening officers na naka-deploy sa lahat ng terminal ng NAIA.
Maglalagay rin ng mga auditor sa mga airport gateway upang tiyakin na naipatutupad ang pambansa at internasyonal na security standards.
Samantala, nauna nang nagsagawa ng inspeksyon ang pamunuan ng Philippine Ports Authority sa mga pantalan para masiguro ang kanilang kahandaan sa magaganap na exodus ng sambayanang Pilipino ngayong Semana Santa.
Pinaalalahanan ni PPA General Manager Atty Jay Daniel Santiago ang mga pasahero na dumating nang mas maaga sa mga pantalan at makipagtulungan sa mga security personnel upang mapabilis ang proseso ng security screening.
Pinayuhan din ang mga biyahero na sila mismo ang mag-empake ng kanilang mga bag at huwag tumanggap ng bagahe mula sa ibang tao.
(JESSE RUIZ)
72 