NGAYONG parami nang parami ang gumagamit ng bisikleta sa gitna ng pinaiiral na community quarantine, nagpasya ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Cainta sa Rizal na maglagay na rin ng bicycle lane upang masiguro ang kaligtasan ng mga biker.
Sa naturang bayan ay marami na ring manggagawa ang nagbibisikleta sa pagtungo sa trabaho at pag-uwi dulot ng kahirapang sumakay dahil hindi pa rin pinahihintulutang bumiyahe ang mga jeepney kahit nasa GCQ na ang Rizal.
Ayon kay Mayor Kit Nieto, maglalagay ng bicycle lane sa mga pangunahing kalsada tulad sa Ortigas Ave., Felix Ave., Floodway area at Bonifacio Ave. sa kabayanan.
Ipinasa na ng Sangguniang Bayan ng Cainta sa pangunguna ni Councilor Edwin Cruz at dating councilor at ngayon ay Vice Mayor Ace Servillon ang SB ordinance #2016-004 o motorcycle and bicycle lane.
Ang paggamit ng bisikleta ay mainam na paraan para makapag-exercise at makatipid sa pamasahe. Ngunit kailangan ang ibayong pag-iingat lalo pa kung kasabay ang mabibilis na sasakyan sa kalsada kaya dapat magkaroon ng linyang nakatakda lamang sa kanila. KNOTS ALFORTE
