MAPABIBILIS na ang emergency response ngayong naikabit na ang mga state-of-the-art emergency call boxes na mayroong multi-modal communication features sa kahabaan ng Cavite-Laguna Expressway o CALAX.
Nabatid na nalagyan na ng MPCALA Holdings Inc. (MHI), subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ng Emergency Roadside Communication System (ERCS) call box sa ilang bahagi ng expressway.
Dahil dito, agad nang makahihingi ng tulong ang mga motorista sa CALAX Traffic Operation Center sa oras ng emergency. Ang mga ERCS call box ay mayroong built-in loudspeaker, camera, at hearing aids para sa mga hearing-impaired. Kailangan lamang pindutin ang call button na matatagpuan sa emergency call box. Ang ERCS ay parte ng pangkabuuang sistema na nag-uugnay sa mga motorista sa CALAX Operations gamit ang iba’t ibang communication channels.
“Para sa CALAX, mahalaga sa amin ang masiguro ang kaligtasan ng aming mga motorista. Sa tulong ng mga bagong emergency call boxes, mapapaikli ang emergency response time ng aming CALAX Traffic Operations Center ng walo hanggang sampung minuto. Itong ERCS ay isang parte lamang ng aming pangkabuuang sistema upang patuloy na mabigyan ng maayos na serbisyo ang aming mga motorista. Sa kalaunan ay maaari na rin nilang magamit ang kanilang mobile phones para sa kanilang mga road concerns. Makatutulong ito sa pagmonitor ng kaligtasan ng aming mga motorista sa tuwing babaybay ng expressway,” Ani Mr. Roberto V. Bontia, President and General Manager ng Metro Pacific Tollways South (MPT South).
Bukod sa ERCS, sinisiguro rin ng pamunuan ng CALAX na mayroong sapat na liwanag ang mga motorista sa kanilang ligtas na pagbiyahe, partikular tuwing gabi, sa pamamagitan ng regular maintenance ng kanilang Road Lighting System (RLS). Ang RLS ng CALAX ay mayroong 550 LED road lights na naka-install sa unang 7.2 kilometer ng nasabing expressway. Ang mga LED road lights na ito ay energy-efficient at may kapasidad na tumagal ng hanggang sampung (10) taon. Ito rin ay low maintenance dahil sa thermal management nito, electric surge protection, at water and dust proof sealed optics na may IP 66 na rating.
Bukod pa rito, patuloy na nagsasagawa ng pagtatalaga ng mga sistema at proseso ang pamunuan ng CALAX upang masigurong sa oras na matapos ang kahabaan ng CALAX ay magagawa nitong imonitor ang kondisyon ng buong alignment para sa ligtas na pagbyahe ng mga motorista.
Ang CALAX ay magkokonekta sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) mula Kawit, Cavite patungong South Luzon Expressway (SLEX) at Greenfield (Mamplasan) Interchange sa Biñan, Laguna. Oras na matapos ang CALAX, ito ay hahaba ng 45-kilometro at magkakaroon ng walong (8) interchanges sa mga sumusunod na lugar: Kawit, Governor’s Drive, Open Canal, Silang (Aguinaldo) Highway, Silang East, Santa Rosa-Tagaytay, Laguna Boulevard, at Laguna Technopark. Tinatayang aabot sa 45,000 sasakyan ang maseserbisyohan ng CALAX at kaya nitong mapaikli ang travel time mula sa Cavite patungong Laguna ng hindi bababa sa isang oras. (CYRILL QUILO)
149
