SIMULA nang itatag ang Communist Party of the Philippines (CPP) noong 1968, New People’s Army (NPA) noong 1969 at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong 1964 ay marami ng kapwa nating Filipino ang napatay at namatay dahil sa pangmatagalang armadong pakikibaka ng grupong ito.
Iyong napatay ay mga taong sinadyang ipapatay ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP, samantalang pumapatungkol naman sa mga taong natodas sa gitna ng labanan ng mga “mandirigma” ng NPA at mga sundalo at pulis ng pamahalaan ang namatay.
Ang masama ay mayroong mga kapitalista, opisyal ng pamahalaan, sibilyan, sundalo, pulis at iba pa na sadyang ipinapatay ng CPP/NPA/NDFP mula pa noong 1968.
Kahit sinong tao na sa tingin ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP na gumawa umano ng “krimen” sa kanilang organisasyon at mamamayan ay ipinapapaslang o pinatatambangan nila sa kanilang ‘assassination unit’.
Kaya, binansagan ng pamahalaan at ng maraming organisasyon na teroristang komunistang grupo ang CPP/NPA/NDFP, sapagkat naghahasik ito ng gulo o terorismo.
Masyadong mainit sa CPP/NPA/NDFP ang administrasyong Duterte, sapagkat biglang tinuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP/NPA/NDFP.
Kaya hindi nakapagtataka kung isa sa mga opisyal ng administrasyong Duterte ay puntiryahin ng CPP/NPA/NDFP sa mga susunod na panahon.
Mayroong impormasyong hawak ang ilang senior intelligence officer na nakabase sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City tungkol sa planong ipapatay si Solicitor Jose Calida.
Kung totoong ipapatay si Solicitor General Jose Calida, nangangahulugang napakalaki ng “krimeng” nagawa niya sa komunistang pangkat.
Ayon sa impormasyong nakalap ng ilang senior intelligence officer, ipapagawa umano ng CPP at NDFP ang planong asasinasyon o ambus kay Calida subalit hindi pa tuloy ang unit na magsasagawa nang pananambang kay Calida.
Basta, ang impormasyon ng mga maniniktik ng pamahalaan ay “pinaniniwalaan” na ‘highly reliable’ ang source ng kanyang impormasyon laban kay Calida bukod pa sa kampo ng isang dambuhalang kapitalista ang itinuturong nagpapatrabaho sa teroristang CPP/NPA/NDFP na ipapatay si Calida.
Porakaragat ‘na ‘yan!
Sino naman kaya itong dambuhalang kapitalista?
Nasa P50 milyon umano ang halagang ibinayad ng oligarko sa teroristang rebelde na eksperto sa pagpatay at pang-aambus ng mga sundalo, pulis, kapitalista at iba pang itinuturing nilang kaaway ng armadong pakikibaka upang maitayo ang diktadura ng CPP/NPA/NDFP.
Hindi tinukoy ng nasabing mga maniniktik sa Camp Aguinaldo ang pangalan ng higanteng kapitalista dahil pinalalakas pa nila ang nasabing “positibong’’ impormasyon.
Ayon sa impormasyon, mayroon umanong nagbigay ng bendisyon mula sa oligarkong kapitalista na ipapatay si Calida kapalit ng P50 milyong hininging pera ng CPP/NPA/NDFP upang ikasa ang trabaho.
Kung totoo ang impormasyong ito, huwag naman sanang mangyari na ang pagpapatrabaho ng higanteng kapitalista sa CPP/NPA/NDFP kay Calida ay magsibling “panimulang katibayan’’ ng “alyansa” sa pagitan ng kapitalista at teroristang grupo.
