NASUKOL ang isang 37-anyos na call center agent na may kasong 142 counts ng qualified theft, sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District at MDIT-RIU-NCR sa Barangay 282, Binondo, Manila noong Martes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si alyas “Higino”, binata, tubong Laguna at residente ng Alabang, Muntinlupa City, itinuturing na top 10 most wanted person ng pulisya.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Meynard Umali Vargas, hepe ng Warrant and Subpoena Section, kay Police Major Kevin Rey Bautista, hepe ng MPD – DPIOU, katuwang si Police Lieutenant Colonel Inocencio Richard Villanueva, commander ng Meisic Police Station 11, bandang alas-5:10 ng hapon nang arestuhin suspek sa nabanggit na lugar.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Lucia Purungganan, ng Regional Trial Court Branch 30 ng Manila, sa kasong qualified theft (142 counts) sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code.
Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing kaso ng suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
