HINDI ang kakulangan ng supply ang nagpapataas sa presyo ng asukal sa bansa kundi ang pagiging gahaman ng cartel ng nasabing industriya.
Ito ang tinuran ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), base sa pahayag ni National Federation of Sugar Workers (NFSW) Secretary General John Milto “Butch” Lazonde, dahil kumpara noong nakaraang taon, mas mas maraming supply ng asukal ngayong taon.
Sinabi ni Lazonde, base sa pinakahuling datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA), ang supply ng asukal mula Setyembre 1, 2022 hanggang Hunyo 25, 2023, ay umabot sa 437,734.15 metric tons (MT).
Mas mataas aniya ito ng 139.66% sa 182,646.20 MT sa parehong panahon ng sinundang taon at hindi pa aniya kasama dito ang 140,000 MT na inangkat sa pamamagitan ng Sugar Regulatory Administration Order No.6 at 150,000 MT na inanunsyo ng Malacañang noong Hulyo 6 na aangkatin.
“This would then raise the physical stock to 727,734.15 MT or almost 4 times the stock in 2022. This does not even include sugar smuggled into the country,” ani Lozande.
Aangkat din aniya ang gobyerno ng 740,000 MT ngayong taon na mas mahigit pa sa 640,908 produksyon ng mga lokal na magsasaka hanggang noong Hunyo 25, 2023 subalit kahit ganito karami aniya ang supply ng asukal sa bansa ay nananatiling mataas ang presyo nito sa lokal na merkado kumpara sa halaga nito noong Setyembre 2022.
Base sa market monitoring ng mga mamamahayag, naglalaro pa rin sa P86 hanggang P110 ang bawat kilo ng asukal hanggang noong Hulyo 7 samantalang noong Setyembre 2022 aniya ay P95 hanggang P106 lamang ang presyo nito.
Dahil dito, naniniwala ang grupo ng UMA na ang cartel sa asukal ang dahilan ng hindi bumababang presyo ng asukal kahit panay ang importasyon ng gobyerno dahil limpak-limpak na salapi ang kinikita ng mga ito.
“According to experts, the wholesale price of refined sugar imported from Thailand is just between P20-P25 per kilo and the landed cost is around P38 per kilo. If we calculate at a conservative rate of P75 per kilo selling price of traders to retailers or a P37 per kilo gross profit per kilo, this would amount to a gross profit of P27,380,000,000,” ani Lazande.
Ito aniya ang pangunahing dahilan kaya walang tumututol sa pang-aangkat ng imported na asukal dahil mas madali aniya ang kita dito kaya dapat paimbestigahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang cartel sa asukal, dahil kahit apat na beses na mas mataas ang supply ngayong 2023 kumpara noong 2022 ay hindi pa rin nagbabago ang presyo nito.
Tanging ang cartel sa sibuyas lamang ang pinaiimbestigahan ni Marcos sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) matapos isumite ng Kongreso ang kanilang inisyal na report ng kanilang imbestigasyon sa nasabing isyu.
(BERNARD TAGUINOD)
