PINAMAMADALI ni Senador Edgardo “Sonny” Angara sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash grants at iba pang uri ng tulong sa pamilyang lubhang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Sa pahayag, sinabi ni Angara na dapat humanap ng kaukulang pamamaraan ang DSWD upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa lubhang apektado ng ECQ.
Aniya, lubha nang nagiging desperado ang mamamayan at kailangan nila ng katiyakan mula sa pamahalaan na pangangalagaan sila dahil sarado ang halos lahat ng negosyo at limitado ang kilos ng mamamayan.
“We must ensure the uninterrupted implementation of programs such as the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), which are even more critical to marginalized families at this time when most likely some, if not all, of their members are not being paid any wages,” ayon kay Angara.
Umabot sa P108-B ang inilaan ng Kongreso para sa 4Ps program ng pamahalaan na nakalagay sa badyet ng DSWD.
Kasali sa programa ng 4Ps ang pagbibigay ng cash grant sa mahihirap na aabot sa P1,350 (health, nutrition at rice subsidy) kada pamilya bawat buwan kabilang ang P300 kada buwan sa bawat batang nag-aaral sa day care o primary; P500 kada buwan sa batang nasa junior high school; at P700 kada buwan sa bawat batang nag-aaral sa senior high school. Sasakupin nito ang mahigit 4.4 milyong pamilya sa buong bansa.
Bukod sa 4Ps, magbibigay rin ang DSWD ng social pension sa indigent seniors P23.184 bilyon na nasa 2020 GAA at unconditional cash transfer na P36.488 bilyon.
Ayon kay Angara, chairman ng Senate committee on finance, na sa ilalim ng indigent seniors program, makatatanggap sila ng P500 monthly stipend.
Sa unconditional cash transfer program naman, makatatanggap ang bawat mahihirap na pamilya ng P300 cash grant upang tugunan ang epekto ng pagtaas ng halaga ng pangunahing bilihin. ESTONG REYES
