CASTRO SA ICI ISSUE: EBIDENSYA ‘DI PWEDENG IMBENTUHIN

“YOU just cannot get evidence out of thin air!”

Ito ang matapang na buwelta ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro laban sa pagkuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta sa pagiging independent ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Giit ni Castro, malinaw ang mandato ng ICI—mag-imbestiga nang patas, walang pinapanigan, walang kinakampihan, at higit sa lahat, walang tinatanggap na suhol.

“Mag-iimbestiga ang ICI at lahat ng pwedeng pagkukunan ng impormasyon ay kanilang susuriin—mula sa mga dokumento ng gobyerno hanggang sa iba pang anggulo.

Hindi pwedeng imbentuhin ang ebidensya,” diin ni Castro.

Sa ulat, kinuwestiyon ni Marcoleta kung paano magiging tunay na independent ang ICI kung umaasa rin ito sa ibang ahensya at sa Senado para makakuha ng impormasyon. Babala niya, dapat igalang ang separation of powers at hindi gawing extension ng ICI ang Blue Ribbon Committee.

Itinatag ang ICI sa bisa ng Executive Order 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang imbestigahan ang umano’y iregularidad at maling paggamit ng pondo sa flood control at iba pang proyekto sa nakalipas na sampung taon. Maaari rin itong magrekomenda ng kaso laban sa mga sangkot na opisyal o indibidwal.

Hiling ni Marcoleta, imbitahin sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang ICI upang ipaliwanag ang kanilang magiging papel sa imbestigasyon.

(CHRISTIAN DALE)

63

Related posts

Leave a Comment