SA gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, naghain ng panukalang batas sina Sens. Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano upang payagan ang awtomatikong suspensyon o pagbawas ng excise tax sa langis kapag sumirit ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Layunin ng Senate Bill No. 1927 na amyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code of 1997 na binago ng TRAIN Law.
Sa panukala, maaaring maglabas ng executive order ang Pangulo—batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee—upang suspindihin o bawasan ang excise tax kapag umabot sa US$80 kada bariles ang average price ng Dubai crude oil.
Ayon sa magkapatid na senador, mahalaga ang mekanismong ito upang agad na makaresponde ang gobyerno sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa mga bansang producer ng petrolyo sa Middle East.
Aniya, makatutulong ito upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at maprotektahan ang mga mamimili laban sa epekto ng pandaigdigang sigalot.
153 