BUONG suporta ang ipinahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa dalawang panukalang batas na naglalayong protektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) laban sa hindi patas na singil sa remittance at tulungan ang kanilang mga pamilya na maayos na mapamahalaan ang perang ipinapadala sa Pilipinas.
Nilagdaan ng senador ang committee report para sa Free OFW Financial Education Act noong Pebrero 25, 2026 at ang overseas Filipino workers’ Remittance Protection Act noong Pebrero 26, 2026.
Ayon kay Cayetano, matagal na niyang isinusulong ang kapakanan ng mga OFW na tinawag niyang mga modernong bayani na ang sakripisyo ay dapat tumbasan ng konkretong proteksyon at suporta mula sa pamahalaan. Binigyang-diin niya na maraming pamilya at isang buong henerasyon ang nakaangat sa buhay dahil sa sakripisyo ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Sa ilalim ng Free OFW Financial Education Act, magkakaroon ng libre at mandatory na financial literacy training para sa land-based at sea-based OFWs, kabilang ang kanilang mga pamilya at dependents. Isasama ang pagsasanay sa pre-departure at post-arrival seminars, habang maaabot naman ang mga pamilya sa pamamagitan ng online seminars at iba pang accessible na plataporma.
Saklaw ng programa ang pag-iwas sa scam at mapanlamang na pautang, wastong pamamahala ng utang, proteksyon ng ari-arian, at pag-unawa sa basic financial products tulad ng insurance, savings at investments. Layunin nitong matulungan ang mga OFW na mapalago ang kanilang kita at makauwi sa bansa na may sapat na ipon at malinaw na plano.
Samantala, nakatuon ang OFW Remittance Protection Act sa pagprotekta sa mga OFW laban sa labis na remittance fees at mapang-abusong gawain. Sa panukala, ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Department of Migrant Workers ang magtatakda ng pinapayagang singil at kaugnay na bayarin sa remittance.
May nakalaang parusa laban sa maling conversion ng foreign exchange, hindi awtorisadong kaltas, at pagbibigay ng mas mababang katumbas na piso sa mga benepisyaryo. Maaaring makulong, pagmultahin, o parehong parusa ang mapatunayang lalabag.
Kasalukuyang hinihintay ng dalawang panukala ang pirma ng mayorya ng mga miyembro ng komite bago maisalang sa plenaryo ng Senado. Inihayag ni Cayetano na maghahain siya ng mga amyenda at makikilahok sa interpellation kapag umabot na sa plenaryo ang panukala sa remittance protection.
Sa mga nakaraang taon, hinikayat din ng senador ang mga ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng livelihood at skills training sa pamilya ng mga OFW upang maipuhunan ang remittance sa maliliit na negosyo at makalikha ng malinaw na exit plan para sa mga manggagawang nais nang makauwi at manatili sa bansa.
1
