NAKATANGGAP ng impormasyon ang PUNA patungkol sa pagdami ng nabibiktima ng investment scam sa lalawigan ng Cebu.
Ayon sa lumabas na report mula sa isang local newspaper sa Sugbo (Cebu), nananawagan na ang ilang provincial official nito sa Securities and Exchange Commission (SEC) na gumawa ng hakbang laban sa nasabing investment scam na nambibiktima sa mga Sugboanon partikular ang mga nakatira sa bukiring mga lugar.
Ang panawagan ay sa pamamagitan ng isang resolusyon ni Bokal Glenn Anthony Soco na inaprubahan noong nakaraang Hulyo 17, 2023.
Batay sa resolusyon, sinusuportahan ni Bokal Soco ang panawagan ng publiko sa SEC na imbestigahan ang grupong nangangalap ng pera mula sa mga Sugboanon.
Nabatid na ang illegal investment activities, fraudulent machinations, PONZI schemes sa Cebu Province ay ikinaalarma ng mga nagnenegosyo sa lalawigan.
Ilang taon nang may mga ulat ng illegal na aktibidad at patuloy na nambibiktima sa publiko sa lalawigan ng Cebu, na hindi kapani-paniwala at imposibleng pagbabalik ng puhunan at kita.
Nagpalabas naman ng babala sa publiko ang SEC kung paano malalaman ang investment scammer.
Inilahad pa ng SEC kung ano ang dapat gawin para malaman ang transaksyon na may kaugnayan sa pera, dapat malaman ng investor ang address ng kompanya, contact number, landline, at SEC registration.
Kinakailangang gumawa ng paraan ang SEC para maprotektahan ang taumbayan sa lalawigan ng Cebu.
Karamihan pa man din sa binibiktima ng mga scammer na ito ay mga nakatira sa bukiring lugar sa nabanggit na lalawigan.
Kawawa naman ang pamilya na mabibiktima ng mga scammer na ito sa lalawigan ng Cebu, at kadalasang puntirya nito ang mga nasa bukiring lugar.
Hirap na nga sa buhay, pagsasamantalahan pa ng mga scammer, saan sila dadamputin?
Kailangan ding kumilos ang mga awtoridad laban sa mga investment scam na ito nang matigil na ang kalokohan ng mga ito.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
