Celtics para manalo sa Warriors: ‘MASIKIP PA SA BUTAS NG KARAYOM’

Ni VT ROMANO

SA buong NBA playoffs – conference at NBA Finals – sinabi ni Boston coach Ime Udoka dumaan sa butas ng karayom ang Celtics para manalo sa series.

Laban sa Milwaukee Bucks sa Eastern Confer­ence semifinals, iwan ng 3-2, kinailangan ng Celtics manalo sa road sa Game 6 at isara ang serye sa Game 7. Angat naman ng 3-2 kontra ­Miami Heat sa conference semifinals, bigo rin ang Boston tapu­sin ang serye sa Game 6 at home at muli kinailangan ng Game 7 win sa road.

“Feels like it was always meant to be this way, difficult,” wika ni Udoka.

Sa Game 4 ng NBA Finals kontra Golden State noong Biyernes, pagkakataon na ng ­Cel­tics manalo at makontrol ang Finals at kunin ang 3-1 series lead at home.

Ngunit hindi pa rin nangyari at sa halip, naitabla ng Warriors ang serye, 2-2 via 107-97 win, at muling nagbago ang takbo ng serye na babalik sa teritoryo ng Golden State.

Angat ang Celtics ng apat, 94-90 sa fourth quarter pero banderang kapos sa dulo.

“We don’t do this (expletive) on purpose,” komento ni Celtics star Jayson Tatum. “I promise you, we don’t. We’re trying as hard as we can…. But it’s the Finals. The art of competition, they came here feeling like they had to win. It wasn’t easy. I think that’s kind of the beauty of it, that it’s not going to be easy. It shouldn’t be.”

Aniya pa: “We know we both want it and we got to go take it.”

Natutunan ng Celtics kung gaano kahirap makarating sa Finals, ­ngayon nama’y nararanasan ang hirap para manalo ng championship at nahaharap sa malaking pagsubok laban sa team na may tatlong kampeonato sa ikaanim nitong Finals appearance sa walong seasons.

Idagdag pa sa pasanin ng Celtics na ang kalabang koponan ay pinangungunahan ng isa sa pinakamahusay na manlalaro sa katauhan ni Stephen Curry.

Umiskor si Curry ng game-high 43 points sa Game 4, second-highest Finals scoring output sa kanyang basketball career.

“He’s one of the best ­players in the world,” wika naman ni Boston star Jaylen Brown. “He’s been here before. He had it rolling tonight. Big performance by him. But we have to do a better job of containing. It’s tough. It’s hard. But we know. We never said it was supposed to be easy.”

Nabawi rin ng Warriors ang home-court advantage bunga ng nabanggit na panalo at bagama’t parehong nananalo sa road game ang dalawang koponan, mas gugustuhin nilang lumaro sa home kung may Game 7.

EX-KNICKS STAR,
BENCH PLAYER
LANG PAGBALIK

Babalik nga ba si Carmelo Anthony sa Knicks?

Ayon sa New York Post, may nagaganap na internal discussions sa koponan ng Knicks patungkol kay Anthony.

Si Anthony, 38, ay free agent at naghahanap ng koponan kung saan magiging makabuluhan ang pagtatapos ng kanyang career. At ang Knicks ay naghahanap ng ‘affordable depth @ forward’, role na ginampanan ni Anthony sa Los Angeles Lakers ngayong season. Nag-average siya ng 13.3 points (per game) sa 26 minutes off the bench.

Ang pagbabalik ni Anthony sa Madison Square Garden, kung saan siya naging legend at seven-time All-Star, ay may sentimental appeal at sa nakalipas na seasons ay natutunan na rin niyang tanggapin ang bench role player, na solido naman niyang nagagampanan.

Pero bago magpokus ang Knicks kay Anthony, kinakailangan munang pagtuunan ng pansin ang major roster ng team.

Prayoridad ng Knicks ang makakuha ng floor general point guard at sinasabing posibleng kunin si Jalen Brunson o ‘di kaya’y si Tyus Jones.

Kuwestyonable rin si Julius Randle. Matapos ang season kung saan tila na­wala ang pagiging All-NBA level niya sa nakalipas na dalawang taon, may ulat nang pagnanais ng player na umalis sa New York. Pina­sinungalingan naman ito ni Randle at ng team president na si Leon Rose.

Ngunit nakasabit sa ere kung mananatili si Randle o lilipat ng koponan.

Si Randle, gayundin sina Obi Toppin, Cam Reddish at RJ Barrett ay bahagi ng forward rotation ng Knicks, kaya palaisipan kung may paglalagyan pa si Anthony sa Knicks.

150

Related posts

Leave a Comment