SUGATAN ang apat na sakay ng isang Cessna 172 training aircraft na may tail number RP-C2211 matapos mag-crash sa Iba, Zambales habang nagsasagawa ng training flight mula Subic, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ligtas na ang apat na sakay ng eroplano na kinilala ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) na sina Capt. Jacques Robert Papio (Flight Instructor);
Quinsayas Angelo Josh (Student-pilot); Althea Kisses Nunez (Student-pilot); at Jericho Bernardo Palma (Student-pilot), pawang Filipino citizens.
Conscious umano o may malay ang mga ito nang abutan ng rescue team bago dinala sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba.
Sa ulat, galing ng Iba Airport ang Cessna trainer plane bago ito bumagsak sa Purok 4, Sitio Corocan, Brgy. Lipay-Dingin-Panibutan sa nasabing siyudad matapos magkaaberya.
Nabatid na ang operator ng aircraft ay ang Sky AeroTrade. Hindi muna iga-ground ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang iba pang aircraft nito.
Ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, kailangan muna nilang matukoy kung ano ang dahilan ng insidente.
Sa sandali aniyang magbigay na ng rekomendasyon ang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board ay saka lamang maglalabas ng desisyon ang CAAP.
(JESSE RUIZ)
