NAKAHANDA na ang chartered flights para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nais makauwi ng Pilipinas mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inayos na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga flight para sa mga Pilipinong nais magpa-repatriate.
Sinabi ni Castro na 16 OFWs mula sa Tel Aviv, Israel ang nagbiyahe sa pamamagitan ng lupa patungong Eilat at tumawid sa Taba Border Crossing papasok ng Egypt.
Mula roon ay lilipad sila sa rutang Cairo–Muscat–Manila na inaasahang darating sa bansa alas-9:30 ng gabi ng Marso 11.
Mayroon ding 20 OFWs at siyam na dependents na bumiyahe mula Dubai patungong Oman sa pamamagitan ng Khatmat-Malaha Border Crossing bago lilipad patungong Manila.
Sa United Arab Emirates, nag-book na rin ang gobyerno ng commercial flights para sa OFWs at kanilang pamilya mula Dubai sa pamamagitan ng Emirates.
Samantala, inayos na rin ng DMW ang paglipad ng Filipino repatriates mula Riyadh, Saudi Arabia na may pinakamaagang alis sa Marso 14.
Popondohan ang repatriation sa pamamagitan ng Emergency Repatriation Fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na attached agency ng DMW.
Ayon kay Castro, mahigit 400 Filipinos na ang nakabalik sa Pilipinas mula nang sumiklab ang tensyon sa Middle East, at prayoridad ng pamahalaan ang ligtas na pag-uwi ng mga ito.
(CHRISTIAN DALE)
67 