CHECK AND BALANCE SA GOBYERNO

HINDI na bago ang eskandalo sa gobyerno. Katunayan, tila ‘yan na lang ang palaging inaabangan ng mga Pilipino na ang hangad ay pagbabago sa tulong ng imbestigasyon ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na mas kilala sa tawag na Blue Ribbon Committee ng Senado.

Ang Blue Ribbon na binubuo ng 17 miyembro, ang isa sa pinakamatikas na komite sa Senado. Ito ang nagsisilbing check and balance sa gobyerno.

Bahagi ng kapangyarihang saklaw ng Blue Ribbon ang mag-imbestiga sa mga iregularidad sa mga tanggapan ng pamahalaan at maging ang mga taong tinatawag na lingkod-bayan, sa hangaring kumalap ng mga datos, impormasyon at pananaw ng “resource persons.”

Malaking bentahe ang pagsalang ng resource persons. Pwede silang maging testigo laban sa mga tiwali o magbahagi ng kaalaman at kasanayan sa pagbabalangkas ng bagong batas – o amyenda sa butas ng batas.

Sa ilalim ng 18th Congress, pumutok ang kontrobersyal na anomalyang kinasangkutan ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng bilyon-bilyong pisong halaga ng kontratang iginawad sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Subalit sa hinaba-haba ng imbestigasyon, walang naipasang rekomendasyon ang Blue Ribbon hanggang sa pagtatapos ng termino ng ilang senador na miyembro ng komite. Wala rin bagong batas halaw sa mga datos, impormasyon at testimonya ng resource persons.

Sa madaling salita, walang magandang ibinunga ang imbestigasyon. Dangan naman kasi, nakasentro sa panghihiya, pambabarako at pakitang-gilas ang mga pagdinig at pagsalang ng resource persons.

Ang ending – sira ang reputasyon ng pinatawag na resource persons. Bakit kamo? Palagi kasing sinosopla, dahil taliwas sa nais nilang marinig ang sagot ng resource persons.

Kung ganun, bakit pa sila nagpatawag ng resource persons? Investigation in aid of persecution?

425

Related posts

Leave a Comment