MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
KAILANGANG magbantay ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) kasama siyempre ang kanilang mother agency na Department of Finance (DOF), ngayong tumitindi ang tariff war ng China at United States (US).
Itigil na kasi ng importers ang pagdadala ng mga China made product sa Amerika dahil sa napakataas na taripa na ipinataw ni US President Donald Trump sa mga produktong galing sa kaharian ni Xi Jinping.
Walang ibang opsyon ang China kundi i-export ang kanilang mga produkto sa maliliit na mga bansa tulad ng Pilipinas, upang hindi mapilay ang kanilang manufacturing industry na nakontrol nila sa nakaraang 30 dekada.
Ang daming China made products ang naibebenta na ngayon sa Pilipinas na lagi nating sinasabing fake dahil walang logo pero kamukha ng branded products at siguradong mga smuggled ang karamihan o hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Dahil sa away na ito ng China at US, malamang na mas darami pa ang mga produktong gawang China ang darating sa Pilipinas kaya kailangang magbantay ang nabanggit na mga ahensya para makolekta ang buwis na dapat makolekta.
Ang balita noon pa, murang-murang nabibili ng importers at smugglers ang mga produktong gawang China lalo na kung bultuhan at ngayong may tariff war, malamang na lalong babagsak ang presyo kaya hindi malayong babahain tayo ng mga pekeng produkto na gawa sa kaharian ni Xi Jinping.
Kailangang protektahan ng mga ahensyang ito ang local products na tinatalo ng China made products dahil napakamurang ibenta at bagama’t alam ng mga Pinoy na peke ang mga ito at hindi nagtatagal ay binibili pa rin nila.
Hindi lang mga sapatos, damit at pekeng construction materials ang nagkalat sa merkado kundi mga produktong agrikultura ang bumaha sa Pilipinas na pawang galing sa China, at legal na ibinebenta sa ating bansa.
Dapat na itong matigil sa lalong madaling panahon at habulin at panagutin ang smugglers na pawang maiiksi rin ang pangalan, upang maprotektahan ang ekonomiya at mamamayan na nabubudol ng mga pekeng produkto.
Marami nang batas na ginawa ang Kongreso laban sa smugglers at kailangan lang ng political will para maipatupad ang mga batas na ito dahil kung hindi ay hindi mangyayari ang pangarap ng mga Pilipino na maging industrial country tayo balang araw.
Wala pa kasi tayong narinig na may smugglers ng mga China made products ang nakulong, dahil walang political will ang gobyerno na sinasabayan pa ng matinding katiwalian kaya lumalakas ang loob ng mga mokong na ito.
