Bumagsak ang chopper na sinasakyan ni PNP Chief Archie Gamboa, ilang minuto matapos na ito ay magtake-off sa Highway Patrol Group impounding area sa Barangay San Antonio, San Pedro City, Laguna Huwebes ng umaga.
Ayon sa inisyal na ulat, kasama ni General Gamboa sa bumagsak na Bell twin engine chopper ang lima pang pasahero na pawang opisyal din ng PNP at ang dalawang piloto.
Papaalis na sana ang grupo patungo sa Camp Vicente Lim sa Calamba City matapos ang ginawang inspection ni Gamboa sa mga impounded vehicles sa nasabing compound ng HPG.
Matapos umanong lumipad, nagpagewang-gewang muna ang chopper bago ito sumabit sa live wire at bumagsak sa isang kalye sa labas lamang ng compound.
Agad ding sumiklab ang apoy sa chopper na maagap namang nirespondehan ng mga nakaantabay na mga bumbero para sa event.
Isa sa mga unang nailabas mula sa chopper bago pa man ito nasunog ay si Gamboa na inilabas mula sa kanan bahagi ng chopper.
Conscious naman ang heneral at agad isinugod sa isang ospital sa San Pedro para sa pang unang lunas.
Sunod-sunod ding nailabas ang iba pang mga pasahero na mga nagtamo ng mga pinsala na dinala na rin sa ibat-ibang hospital.
Ang bumagsak na twin engine Bell chopper ay pag-aari ng PNP at isa sa mga brand new helicopter na nabili lamang nitong nakaaraang dalawang taon. NILOU DEL CARMEN
